WIKA ng pambansang bayaning si Gat Jose Rizal, kabataan ang pag-asa ng bayan. Pero sa nangyayari sa kasalukuyan, tila malabong na yan lalo pa’t tila tinalikuran na ng pamahalaan ang pagtataguyod ng edukasyon sa hanay ng mga kabataan.
Sa nakalipas na dalawang taon, nasadlak sa dusa ang mga estudyanteng pinangakuan ng libreng edukasyon sa ilalim ng programang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) ng Commission on Higher Education (CHED).
Dangan naman kasi, itinengga ng CHED ang pagbabayad sa mga kolehiyo at pamantasan kung saan nag-aaral ang libo-libong iskolar ng bayan.
Katunayan, pumalo na sa P2.1 bilyon ang utang ng CHED sa mga pribadong kolehiyo at pamantasan mula 2021 hanggang 2023, ayon mismo kay Agapito Lubaton na tumatayong tagapagsalita ng Association of Higher Education Institution (AHEI).
Pero teka… hindi ba’t may P10.3-bilyong nakalaan sa CHED para tustusan ang matrikula at allowance ng mga pobreng mag-aaral na kumukuha ng iba’t-ibang kurso sa mga state universities and colleges (SUCs) at mga pribadong pamantasan?
Ang nakapagtataka, iginiit ni CHED chairman Popoy de Vera sa isang pagdinig ng Kamara na walang pondo ang kanyang tanggapan para bayaran ang bilyon-bilyong matrikula ng mga estudyanteng benepisyaryo ng UniFAST.
Sakaling totoo ang sinabi ni de Vera sa Kamara, hindi malayong patigilin na sa pag-aaral ng mga pribadong pamantasan ang iskolar ng UniFAST.
Pero hindi naman ganun kasama ang mga pribadong kolehiyo at pamantasan. Katunayan, patuloy ang pag-aaral ng mga UniFAST scholars kahit tila bantulot ang CHED na magbayad sa napakalaking pagkakautang ng ahensya.
Ang tanong – nasaan ang P10.3 bilyong pondo ng CHED? Sa ganitong pagkakataon, tanging pagsusuri ng Commission on Audit (COA) ang makakasagot sa naturang tanong.
Dapat siguro, talupan ng Kamara ang mga nagaganap na milagro sa naturang ahensya ng gobyerno. Marapat din ituloy ni Northern Samar Rep. Paul Daza ang pangungulit sa COA na suriin kung paano at saan ginastos ang pondong sadyang inilaan ng Kongreso para sa matrikula at allowance ng mga maralitang mag-aaral na ang tanging hangad ay makatapos ng pag-aaral sa pag-asang edukasyon ang susi para makaahon sa kahirapan.
#WeTakeAStand #OpinYon #FernanAngelesColumn #CHED #