PAUWI na ako dakong tanghali kahapon nang bumulaga sa akin ang isang dambuhalang traffic papasok sa bayan ng Sariaya sa Daang Maharlika, sa may bahagi ng Barangay Hibanga at Barangay Balubal ng nasabing bayan.
Nag-uumapaw sa kalsada ang mga nagsisiksikang Dump Trucks, PUVs, Tricycle, Vans, Motorcycle, Owner type jeep, Supreme Bus na patungong Batangas, Bisikleta, Ambulance na marahil ay magdadala ng pasyenteng may Covid-19 sa Maynila, at iba pang sasakyan na gustong makalampas sa traffic.Dahil sa ako man ay nagtataka, naisip kung magtanong kung bakit sobrang traffic ng kalsada na dati-rati ay maluwag naman.
Isang jeepney driver ang yamot na: "Kanina pa nga po sir kami dito, hindi halos nakibo ang mga sasakyan. Darating daw po kase si Duterte kaya isinara ang By-pass road sir."
Ah, kaya pala, ang sinabi ko sa aking kausap.
Dahil sa may binili pa akong lutong ulam para sa tanghalian ng dalawa kong anak, nagdesisyon akong bumalik at dumaan na lamang sa Eco-tourism road na ginawa nang si dating Congressman at Agriculture Secretary Procy Alcala ay nakapwesto pa. Isa itong sementadong daan patungong Batangas na sa humigit 20 minuto lamang ay nasa San Juan, Batangas ka na.Balikan natin ang kwento ng By-pass road na isinara dahil nga daw darating si Pangulong Duterte. May haba itong mahigit na 16 kilometro at ginastusan ito ng 600 milyong piso mula sa buwis ng mga mamamayan.Kinagabihan, habang nanunuod ako ng 24 ORAS news sa Channel 7 ay nakita ko na isang inagurasyon pala ng bagong bukas na By-pass road ang dahilan kung bakit isinara ito. Bumagtas sa ilang barangay sa bayan ng Sariaya at ilan ding barangay sa lungsod ng Lucena ang bypass road na may ilang poste ng solar lights lamang.
Sa welcome remarks in Cong. Jayjay Suarez ay ibinida niya kay Digong na isa lamang ang bypass road sa mga proyektong nagawa sa segunda distrito at meron pa anyang itatayong Lucena City General Hospital. Tila naghihintay ng palakpakan ang dating gobernador na sa kasalukuyan ay may mga kasong pandarambong sa Ombudsman. Walang pumalakpak sapagkat alam ng audience na ang nagpagawa ng bypass road na ito ay si dating Representative Vicente "Kulit" Alcala na kalaban ng mga Suarez sa politika.Binanggit naman ni Pangulong Duterte na ang bypass road ay bahagi ng kanyang Build, Build, Build program ng kanyang administrasyon.
Ngayon, ang taong bayan ay nagtatanong, kanino ba talaga ang bypass na ito, kay Pangulong Duterte ba? Sa mga naghaharing-uri ba na siyang nagkukontrol ng politika at kapangyarihan sa lokal na pamahalaan sa lalawigan? O kay Juan dela Cruz na dugo at pawis ang puhunan para lang may mai-ambag na buwis sa gobyerno na ayon sa IBON Foundation ay 300 bilyong piso ang nawawala kada taon dahil sa katiwalian.