MARCHANISM MANIFESTO
MARCHANISM MANIFESTO

Buksan lahat ang confidential funds

Oct 13, 2025, 7:15 AM
Rommel Mark Dominguez Marchan

Rommel Mark Dominguez Marchan

Columnist

"Ang prinsipyo ng transparency ay hindi selective. Hindi ito parang kurtina na pwede mong ibuka sa gitna at itago pa rin ang kalahati ng tanawin. Kung tunay na layunin ay ipakita ang integridad, dapat sabay-sabay at patas ang lahat."

Kung may isa kang binuksang confidential fund, bakit hindi buksan ang lahat? Ito ang tanong na dapat sumagi sa isip ng bawat Pilipino. Sa panahon ngayon, ang pagtitiwala ng taumbayan ay parang manipis na sinulid...madaling mapigtas kapag may lihim na pondo na hindi maipaliwanag.

Ang confidential fund ay dapat gamitin para sa seguridad at mga sensitibong operasyon ng pamahalaan. Ngunit sa mata ng karaniwang mamamayan, nagiging simbolo ito ng “lihim na paggasta” na walang malinaw na paliwanag. Kapag may isang opisina o ahensya na pinilit buksan ang kanilang pondo bilang pagpapakita ng katapatan, dapat itong maging domino effect. Hindi pwedeng isa lang ang magbukas habang ang iba ay nananatiling tikom ang mga libro.


Ang prinsipyo ng transparency ay hindi selective. Hindi ito parang kurtina na pwede mong ibuka sa gitna at itago pa rin ang kalahati ng tanawin. Kung tunay na layunin ay ipakita ang integridad, dapat sabay-sabay at patas ang lahat. Ang hindi pagkakapantay ng pagbubukas ng mga confidential fund ay nag-iiwan ng tanong...bakit siya pwede at ang iba hindi? Ano ang itinatago?


Hindi rin ito tungkol sa pagdududa lamang, kundi sa pagbabalik ng tiwala. Dahil sa mga nagdaang panahon, nasanay ang mamamayan na makarinig ng mga pondo para sa “intelligence” o “confidential” na tila walang malinaw na patutunguhan. Kaya kung may iilan na nagsasabing handang magbukas ng kanilang pondo with due process, magandang hakbang iyon. Ngunit hindi pa sapat. Ang totoong reporma ay makikita lamang kapag lahat ay bukas, walang exemption, walang “sagrado.”


Ang pondo ng bayan ay hindi pag-aari ng opisyal, kundi ng taong bayan mismo. Kaya’t nararapat lamang na makita ng bawat Pilipino kung saan napupunta ang bawat pisong buwis. Kung walang tinatago, walang dapat ikatakot. Ang pagbubukas ng lahat ng confidential funds ay hindi pagpapahina ng seguridad, kundi pagpapatatag ng tiwala...at sa isang demokrasya, tiwala ang pinakamahalagang sandata.


Kaya kung planong buksan ang isa, hamunin natin dapat ang lahat: buksan din ninyo. Dahil ang transparency ay hindi pwedeng kalahati....ito ay dapat buo, malinaw, at walang tinatago, kasama na ang CF ng mag-iimbistiga kung meron man sila.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #MarchanismManifesto


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.