BatMC, ang public ospital ng Batangas na anti-poor
iTalk

BatMC, ang public ospital ng Batangas na anti-poor

Jan 18, 2024, 12:29 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

Wala po tayong masamang tinapay laban sa management ng Batangas Medical Center (BatTMC) sa Batangas City.

Kung kalinisan ang pag-uusapan at pasilidad ay A-okay naman daw ito para sa mga pasyente.

Nagawi po ang i-Talk kamakailan sa naturang pagamutan at nagpapasalamat din po tayo sa hospital director o hepe ng BatMC na hindi ko na po babanggitin pa ang pangalan.

Gaya ng nasabi natin sa una, wala tayong masamang tinapay sa pamunuan nito bagkus, nagpapasalamat pa ang inyo pong lingkod at na-admit din ang isang pasyente na ating nakapanayam kinagabihan matapos ang maghapong paghihintay makakuha ng kama aniya.

Ito ay sa kadahilanang may gumalaw o nakialam sa itaas kung kaya't dali-daling hinanapan ng kama.

Paano ang mga walang kakilala?

'Yan ang problema.

“Kung may magagawa lang po talaga kami, hindi po kami magtitiis nang ganito dito,” sambit ng isang pasyente na pitong (7) buwan na diumano pinagpabalik-balik sa BatMC.

Isa sa kanilang nakasabayan sa emergency room ay kinabukasan na nakaakyat at na-admit bandang tanghali.

Buong akala namin ok na ang lahat dahil nakakuha ng kama.

Mali.

Umpisa pa lamang din pala ng kalbaryo yun.

Una, bawal ang bantay na lalaki sa loob ng ospital kahit na ito ay asawa o tatay o lolo man. Babae lamang ang puwede.

Pero, mga lalaking guard palaboy-laboy naman roon at pasilip-silip rin sa maternity ward anila.

Pangalawa, dapat daw dalawa sila at yung isa ay runner ng kung anu-anong kailangan.

Pero dahil nga bawal sa itaas o loob ng ospital ang pangalawang bantay (babae man o lalaki), mapipilitan ito matulog sa makeshift canvas tent na ginawa ng ospital sa labas para sa mga bantay.

Dahil hindi naman kalakihan, apaw ito sa tao. Yung iba, sa gilid-gilid na lamang natutulog o sa ilalim ng mga puno roon sa labas ng BatMC.

Sa ganang akin, hindi na ito makatao. Kalunos-lunos ang sitwasyon dito ng mga mahihirap nating mga kababayan.

Paano kung masama ang panahon at nag-uulan?

Ito ang ating ipinanawagan sa pamunuan ng BatMC o ng Kapitolyo ng Batangas at maging ang DOH-Batangas.

Kung may natitira pang damdamin kayong makatao, gawan po ninyo ito ng paraan sa lalong madaling panahon.

Sobrang kalunos-lunos po ang kalagayan ng ating mga kababayan roon na mahihirap na ating nasaksihan. May video pa ako kung kinakailangan makita ng madla.

Salat na nga sila sa buhay at nagtitiis upang malapatan lamang ng lunas sa kanilang karamdaman, ganire naman ang kanilang daranasin.

Sana magawi si Batangas Gov Hermilando Mandanas o dili kaya’y si Vice Gov Mark Leviste upang sa gayon ay makita nila ang tunay na dinaranas ng ating mga kababayang hikahos sa buhay tutal naman ay wala pang isang kilometro ang layo nito sa Kapitolyo ng Batangas.

Muli, hindi po tayo namemersonal rito laban sa kung sino man, pero personal po natin itong panawagan sa powers-that-be na baka naman pwedeng magawan ng paraan maisaayos ang kalagayan ng mga pasyente at ng kanilang mga bantay. Mahirap na nga, pinapahirapan talaga sila.

Nakita nating marami ang bakanteng isolation areas na nasa circle sa harap ng BatMC, pero ba’t ganun, pinagtitiis natin ang ating kapwa tao mahiga sa semento o dili kaya magpalipas ng gabi sa ilalim ng mga punong naroroon sa harap ng BatMC?

Porke ba’t salat sa yaman ang kapwa natin na naroroon na nais magpagamot ay ganun na lamang ang pag-intindi natin sa kalagayan nila?

Nasaan ang inyong mga konsensiya!?

Isa pa, sobrang higpit din ng mga jaguar (guards) dine!

Susme. Buti sana kung naaalagaan mabuti ang mahihirap na pasyente dine!

#iTalk #IsmaelAmigo #BatMC #AntiPoor #BatangasMedicalCenter #DOHBatangas #HermilandoMandanas #MarkLeviste #OpinYonBatangas #OpinYonColumn #OpinYon #WeTakeAStand


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.