Malamang na maganap na sa wakas ang matagal-tagal nang plano na ito dahil nakisawsaw na ang San Miguel Corporation na kilala sa pagi-implement ng mabilis sa mga infra projects na pinapasok nito.
Nais ng SMC na itayo ang isang "super bridge" na may habang 15 kilometro upang magdugtong sa Mindoro at Batangas.
Ito'y magbibigay-daan para sa mas mabilis na paglalakbay ng mga motorista mula Batangas patungong Oriental Mindoro (at vice versa) nang hindi na kailangang umasa sa mga RoRo (Roll-on/Roll-off) na sasakyan.
Ayon sa pahayag ng San Miguel Corporation, sila ay nasa masinsinan nang pag-uusap sa kasalukuyan kasama ang lokal na pamahalaan ng Mindoro sa pamamagitan ng Gobernador na si Humerlito Dolor upang itaguyod ang nasabing proyekto.
Ang nasabing proyekto ay isa sa sampung programa ng Administrasyong Marcos para sa public-private partnership (PPP), at ito ay unang inihayag ni Oriental Mindoro Cong. Alfonso Umali noong 2015.
Ngayon, ito ay aktibong itinataguyod ni Gov. Dolor upang mapalakas ang pag-unlad sa Oriental Mindoro at sa buong MIMAROPA na rehiyon.
"Nagsimula na kaming mag-akma ng mga eksperto mula sa iba't ibang disiplina, kabilang ang isang European architectural and engineering firm, upang gawin ang isang teknikal na pagsusuri kung paano maiipatupad ang proyektong ito nang makabuluhan para sa tao at kalikasan," ayon kay Ramon S. Ang, pangulo at CEO ng SMC.
Idinagdag ni Ang na mula nang huling pagpupulong niya kay Gov. Dolor noong nakaraang taon, kinuha na ng SMC ang serbisyo ng isang lokal na kumpanya upang unang gawin ang bathymetric survey para sukatin ang kalaliman ng dagat sa pagitan ng Batangas at Mindoro.
Tungkol sa mismong tulay, mag-uumpisa ito sa Barangay Ilijan sa Batangas City, tatawid sa Verde Island, at magtatapos sa Barangay Sinandigan sa Puerto Galera.
"Nagpapasalamat kami kay Gov. Dolor sa pagtutulak ng makasaysayang proyektong ito at sa pagtitiwala sa aming kumpanya na makapagbigay ng isang world-class na tulay,” wika ng ehekutibo ng SMC.
“Ito ay nagkaroon ng ilang pagsubok sa mga nakaraang taon ngunit umaasa kami na sa pagtutulungan natin, maitataguyod natin ang pangarap na ito," dagdag pa ni Ang.
Kapag natapos na ang 15-kilometrong tulay, inaasahan na magdudulot ito ng mas mabilis at mas epektibong transportasyon ng tao at kalakal, at magpapalakas ng lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng paglikha ng trabaho.
Nakikita rin itong magdadala ng mas mataas na pamumuhunan at optimal na serbisyong gaya ng tubig, kuryente, at telekomunikasyon, sa iba't ibang bahagi ng rehiyon.
Seguro naman hindi ito bobombahin na gaya ron sa nangyaring pambobomba sa Laurel terminal ng modern jeepney, na ayon pa sa isang tsuper nila ay wala pa diumanong natutukoy na suspek at dahilan ng pagpasabog.
Sana lang matulayan din ang tawiran ng ferry sa Matnog, Sorsogon at Allen, Northern Samar na may lakas pa tayong magmaneho, sa kadahilang napakahirap makakuha ng slot na makasakay sa ferry lalo na kapag panahon ng election.
#iTalk #IsmaelAmigo #BatangasMindoroSuperBridge #SMC #MatutuloyNa #SanMiguelCorporation #HumerlitoDolor #Mindoro #AlfonsoUmali #OrientalMindoro #PPP #RamonAng #OpinYonColumn #OpinYon #WeTakeAStand