(Dati, kaya nating manood ng isang oras na programa nang tuluy-tuloy. Ngayon, ilang minuto pa lang na advertisement, naiinip na tayo. Sanay na kasi tayo sa mabilisang galaw ng social media: scroll, like, skip, next.....)
Umattend ako kamakailan sa isang birthday party. Habang naghihintay ng hapunan, binuksan ang telebisyon sa sala. Doon ko muling nasilayan ang isang ordinaryong palabas sa TV....balita, commercial, at teleserye. Bigla akong nanibago. Parang matagal ko nang hindi nararanasan ang simpleng panonood nang walang hawak na cellphone. Doon ko naisip: gaano na ba kalaki ang ipinagbago ng ating buhay dahil sa social media?
Napansin ko agad ang unang negatibong epekto.....ang pagkawala ng pasensya. Dati, kaya nating manood ng isang oras na programa nang tuluy-tuloy. Ngayon, ilang minuto pa lang na advertisement, naiinip na tayo. Sanay na kasi tayo sa mabilisang galaw ng social media: scroll, like, skip, next. Gusto natin laging instant—instant impormasyon, instant aliw, instant sagot. Dahil dito, umiiksi ang ating attention span. Nahihirapan na tayong maghintay at magproseso ng mahahabang bagay.
May epekto rin ito sa ating pag-iisip. Sa social media, madalas mababaw na impormasyon lamang ang nababasa natin.....mga headline, memes, at maiikling post. Unti-unti tayong nasasanay na hindi na nag-aanalisa nang malalim. Mas pinipili na lang ang madali at mabilis kaysa magbasa, makinig, at mag-isip nang masinsinan. Nagiging reaktibo tayo imbes na mapanuri.
Ngunit hindi rin naman maikakaila ang magagandang dulot ng social media. Napakalaki ng naitutulong nito sa komunikasyon. Kahit nasa malayong lugar ang pamilya at kaibigan, madali natin silang nakakausap. Sa isang pindot lang, may balita na agad tayo tungkol sa mundo. Maraming natututuhan....mga tutorial, kaalaman, oportunidad sa trabaho, at inspirasyon. Sa panahon ng sakuna o problema, social media rin ang mabilis na nagiging daan para sa tulong at impormasyon.
Malaki rin ang ambag nito sa lipunan. Nabibigyan ng boses ang ordinaryong tao. Nagiging plataporma ito para sa mga adbokasiya at makabuluhang diskusyon. Mas nagiging mulat ang marami sa mga isyung panlipunan. Dati, limitado ang mapagkukunan ng impormasyon; ngayon, bukas na bukas na ang mundo sa ating mga kamay.
Ang problema lamang, kadalasan ay nawawala ang balanse. Sobra-sobra na ang oras na inuubos natin sa pag-scroll. Unti-unti nitong naaapektuhan ang tunay na koneksyon sa kapwa—ang harapang usapan, kuwentuhan, at simpleng pakikisalamuha. Tulad ko sa party na iyon, naramdaman kong kakaiba na pala ang manood lang ng TV nang tahimik. Parang nakalimutan ko na ang dati kong nakasanayan.
Kaya marahil ang hamon sa atin ngayon ay hindi ang iwasan ang social media, kundi ang matutong gamitin ito nang tama. Dapat nating ibalik ang disiplina sa sarili....ang kakayahang maghintay, makinig, at mag-isip nang malalim. Hindi masamang maging makabago, basta’t hindi natin isinasakripisyo ang pasensya, kritikal na pag-iisip, at tunay na pakikipag-ugnayan.
Sa huli, ang teknolohiya ay kasangkapan lamang. Tayo pa rin ang magpapasya kung ito ba ay magiging biyaya o sagabal sa ating buhay. Ang mahalaga, huwag nating hayaang kontrolin tayo ng social media.....dapat tayo ang may kontrol dito.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #MarchanismManifesto

