Third Zone by Boboy Yonzon
Third Zone

Bakit si BBM ang iboboto?

Mar 7, 2022, 5:13 AM
Boboy Yonzon

Boboy Yonzon

Columnist

Mahal kong kaibigan,

Nagdurugo ang puso ko na si Bongbong ang iyong iboboto. Maniwala ka o hindi, pilit kong inuunawa ang mga maaaring dahilan ng iyong pasiya. Mahalaga sa akin ang ating pagkakaibigan. Yang sinasabi mong “Respect my rights. Basta!” nais ko ring maintindihan. Hindi na bale ang ilan kong kadugo na maaaring si Junior ang iboboto, wala akong magagawa at hindi ko sila maitatatwa.

Kung iyong mararapatin, isa- isahin natin ang iyong maaaring dahilan.

GOLDEN YEARS NI MARCOS AY BABALIK. Tunay nga bang Golden Era noong panahon ni Ferdinand Marcos, Jr? May haka-haka. May mga opinyon. At may mga datos na, bali-baliin mo man, katotohanan pa rin ang ilalahad. Noong 1965 noong nagsimula sa Marcos, pito sa bawat 100 Pilipino ang walang trabaho. Noong 1986, 33 sa bawat 100 ang walang mahanap na trabaho sa Pilipinas. Kung kaya’t kinailangan umalis ng bayan. Doon nagsimula ang Filipino Diaspora.

Ang halaga ng piso bumagsak mula P3.92 sa isang dolyar noong 1965 sa P19.99 noong 1986. Mula sa pagkakautang natin na $600M noong 1965, lumobo ito sa $26B noong 1986. Nauwi tayo sa debt servicing sa halip na ibuhos sa development. Ang poverty rate ay lumobo rin mula sa 7.7 percent noong 1965 tungo sa halos 45 percent noong 1986. Ibig sabihin, halos isa sa bawat dalawang Pinoy ay matuturing na dukha.

Noong nagsimula si Senior noong 1965, ang Pilipinas ay kinilalang pumapangalawa lang sa Japan na most robust economy in Asia. Nang napilitang umalis sa pwesto, sick man na rin tulad nya pati ang Pilipinas. Hindi ka ba nagtataka kung bakit bilyon- bilyon ang nabatak ng mga Marcos sa mga Swiss banks? Mayroon pang mga gusali sa New York, mga mamahaling artworks, mga alahas, at iba pa? At sila raw ang may-ari ng halos buong Pilipinas? Move on na lang tayo? Kung ang Diyos nga nanghihingi ng repentance and retribution, tao pa kaya?

Manghang-mangha ka marahil na ang Pilipinas ay tulad ng kapitbahay mo na yayamanin, may mansion, mga magagarang kotse, at panay party at tour. Baon pala sa utang sa banko, credit card companies, at pati na rin pawn shops. Ang kaso, ikaw at mga apo mo ang magbabayad ng lahat na tinangay naman pala sa ibang lugar.

Huwag na muna nating pagusapan ang pinsan, mga kaeskwela, at kaibigan kung nawala sa paninikil noong panahon ni Marcos. Iba pa yon.

MAHUSAY SI MARCOS, JUNIOR. Kung halos bokya accomplishments niya bilang gobernador, congressman, at senator, bilang pangulo pa kaya? Kung ikaw ay kawani sa pamahalaan, alam na alam mo na minsan ka lang kumabyos sa pag sumite ng SALN o pumalya sa pagbayad ng buwis, tiyak tsugi ka na sa trabaho. Hindi ba’t naghahanap tayo ng tama at ehemplo para sa ating mga anak?

Bilang lider, kaya nya ba na bumagtas ng mga karagatan at kabundukan para maabot ang mga hikahos na Pilipino? Mauunawaan nya ba ang tunay na damdamin ng mga ito upang buong tapat nya itong yayakapin, aalalayan, at kakausapin? O dapat ba ang pangulo ay manatili sa kanyang lungga at kumumpas-kumpas na lamang? Kaya nya ba humarap sa matinding krisis, o siya ay magkukubli nang matagal dahil kakapain nya pa ang tugon? Ating tatandaan na, sa rumaragasang dilubyo, on-the-spot ang kinakailangan sagot at pagkilos. Hindi pwedeng give me the questions first sa isang surprise quiz.

ILOKANO KAMI. Ang mga Marcos nga ba ang ang pinagmamalaki at sumasagisag ng mga kilala kong Ilokano na masisipag, masisinop, may pagmamahal at takot sa Diyos? O sadyang ang pagiisip ng mga Pilipino ay maka-tribo, na ang unang papanigan ay sarili nyang rehiyon o kalalawigan, at hindi ang kapakanan ng buong bayan?

MGA GAGO ANG MGA DILAWAN. Hindi ko binoto si Noynoy, Mar Roxas, o kahit na pa ba si Jovito Salonga bilang pangulo. Ngunit bakit ang mga tinatawag na Dilawan ang dapat sisihin sa maitim at mabahong burak na kinasasadlakan ng Pilipinas? Kung ating bibilangin mula 1965 o sa loob ng halos 60 years, 12 taon lamang umupo ang sinasabing mga Dilawan, 48 taon ay sa iba na.

At sa administrasyon ng mga pangulo tulad ni Marcos, GMA, at Estrada ay nangibabaw ang plunder o pandarambong at pandaraya sa eleksiyon (Hello Garci, “We cheated” ani Enrile). Kung tayo man ay may eleksiyon at kalayaan ngayon, dahil yan sa Dilawan na si Cory. At kung ang Pilipinas man ay umangat sa level na tayo pa ang nagpapahiram sa ibang bansa dahil naging masagana ang ating ekonomiya, yan ay dahil sa Dilawan na si Noynoy. Nagbayad ng mga utang ng bayan imbes na mag-iwan ng malaking pasanin para sa apo ng ating apo.

LUGAW NA MALABNAW SI LENI. Simula’t -simula pa lang, itinodo na ang paglalapastangan sa tanggapan at katauhan ng bise presidente. Nariyang tapyasan ng budget. Nariyang tanggalin sa kabinete dahil sa pagtanggol sa Pilipinas laban sa Tsina. Nariyang tambakan ng sexist remarks.

Lugaw. Lutang. Walang alam. Walang nagawa. At isang libo’t isang paratang. Hindi umimik at nagtuloy-tuloy ang trabaho. Naunawaan ang gawain dahil isang abogada at ekonomista na nakikisalimuha sa mga kababayan. Tumutulong, dumaramay na walang alintana sa sariling kaligtasan. Damang-dama ang mga hinaing na nakakarami, dahil gets nya ang perspektibo ng mga magsasaka, manggagawa, draybers, mga babaeng binubugbog nang asawa, mga bakla at tomboy, mga magaaral, mga medical frontliners at maraming iba pa dahil si Leni ay may puso.

Alam ko, kaibigan, na mataas ang standards mo. Ano ang nakikita mo na hindi nakikita ng mga dating opisyal ng administrasyong Ramos, GMA, at Noynoy na ngayon ay kumikibo? O ng mga daan-daang guro ng iba’t ibang Pamantasan na si Robredo lang ang karapat-dapat na ihalal? O ng mga retiradong mga hukom, at mga opisyal ng DND na tiyak nasaksihan ang kalabisan ng Martial Law? O ng mga pare, mga madre na naglalabasan para sa tinig ng demokrasya?

Sa paglikha (hindi pag-imbento) ng kasaysayan, may paayon at may salubsob. Alin ka dito?


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.