"Ang people power ay hindi laging nasa kalsada; minsan ito ay nasa unti-unting paghubog ng kamalayan, tamang edukasyon, paniningil ng pananagutan, at pakikilahok sa proseso....hindi ang pag-aalsa, pag-akyat sa bundok at himagsikan....."
Ang gobyerno ay parang haligi ng isang bahay. Hindi man ito lagi ang nakikita o pinapansin, ito ang tahimik ngunit matibay na sandigan ng katahimikan, kaayusan, at pag-asa ng mamamayan. Kapag matatag ang gobyerno at mapagkakatiwalaan ang mga namumuno, may direksiyong sinusundan ang bansa, may batas na umiiral para sa lahat, at may tulong na maaasahan sa oras ng pangangailangan. Ang tiwala ng tao sa pamahalaan ang nagsisilbing pandikit na nagbubuklod sa lipunan....kung walang tiwala, guguho ang pagkakaisa at papasok ang kaguluhan.
Ngunit paano kung ang gobyerno ay hindi na mapagkatiwalaan? Kanino pupunta ang mamamayan? Saan sila magsusumbong? Ang ordinaryong tao ay walang sariling hukuman, sariling kapulisan, o sariling hukbo. Kung mawawala ang kredibilidad ng gobyerno, tila mawawala rin ang tahanan ng bayan. Hindi naman dapat humantong sa pag-aalsa, karahasan, o pag-akyat sa bundok upang maghimagsik. Ang tunay na sagot ay mas masipag, mas mabagal, ngunit mas makabuluhan: institusyon at pagkakaisa ng mamamayan.
Kung hindi mapagkakatiwalaan ang gobyerno, ang mamamayan ay dapat lumapit sa mga natitirang haligi ng lipunan.....malayang mamamahayag, simbahan, paaralan, civic organizations, cooperatives, barangay assemblies, at iba pang sektor ng lipunan na nagsisilbing “check and balance.” Dito maaaring magpahayag ng hinaing, mag-ingay ng katotohanan, at magtipon ng kolektibong boses na hindi marahas. Ang people power ay hindi laging nasa kalsada; minsan ito ay nasa unti-unting paghubog ng kamalayan, tamang edukasyon, paniningil ng pananagutan, at pakikilahok sa proseso.
Kung walang tiwala sa gobyerno, hindi ibig sabihin na titigil ang mamamayan sa pag-asa. Bagkus, doon lalo kailangan ang pakikilahok.....sa maayos na paraan: pagbabantay sa halalan, pakikilahok sa pampublikong konsultasyon, pakikibahagi sa lokal na pamahalaan, at hindi paglubog sa takot o pagkawatak-watak. Gobyerno ang dapat maglingkod, pero mamamayan ang tunay na amo.
Sa huli, ang gobyernong mapagkakatiwalaan ay hindi kusang dumarating. Hinuhubog ito ng mamamayang marunong manindigan, marunong magtanong, at marunong magkaisa. Kapag ang bayan ay gising, hindi kayang abusuhin. Kapag ang mamamayan ay nagkakaisa sa kapayapaan at katotohanan, kahit gaano kahina o kalupit ang lider, may pag-asa ang bansa.
Ang tunay na solusyon ay hindi pag-aalsa, hindi pagtakbo, at hindi pag-iwas.....kundi pagbabagong nagsisimula sa maliliit na paraan, pero sabay-sabay at sustenido. Dahil ang gobyerno, sa huli, ay repleksyon ng sarili nating antas ng kamalayan at pagkakaisa.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonColumn #MarchanismManifesto
