Hindi simpleng opinyon. Hindi basta “viral quote.” Ang pahayag ni NWPC (National Wages and Productivity Commission ) Executive Director Criselda Sy na “Nag-aral ako ng mabuti para hindi maging minimum wage earner” ay hindi lang maling salita....isa itong malinaw na paglalantad sa kung paano tinitingnan ng ilang nasa poder ang pinakamahalagang sektor ng ating lipunan: ang ordinaryong manggagawa.
At heto ang dahilan kung bakit hindi tayo sang-ayon.
Una, ang minimum wage earners ang gulugod ng ekonomiya. Sila ang nagtatayo ng mga gusali, nag-aalaga sa mga bata at matatanda, nagmamaneho ng ating transportasyon, naglilinis ng ating mga kalsada, nagluluto sa mga karinderya, at nag-ooperate ng mga pabrika. Habang ang marami sa mga nasa opisina ay nag-iisip kung paano lalago ang negosyo, itong mga manggagawa ang aktwal na gumagalaw para tumakbo ang ekonomiya. Kaya anumang pahayag na tila minamaliit ang kanilang halaga ay hindi lang insensitive...ito ay pag-insulto sa mismong pundasyon ng bansa.
Ikalawa, hindi patas ang pagbangga ng “nag-aral ako ng mabuti” sa “minimum wage.” Ang usapin ng sahod ay hindi tungkol sa talino, diploma, o pagsisikap; ito ay tungkol sa istrukturang pang-ekonomiya na hindi pantay, hindi balanced, at matagal nang problema ng bansa. May mga propesyunal na nag-aral nang husto...guro, nurse, social worker, call center agent.....pero ang starting pay ay halos dikit pa rin sa minimum wage. May mga nagtapos sa magagandang paaralan pero nagiging underemployed. May mga nagtatrabaho nang higit sa walong oras pero hindi sapat ang kita. Ibig sabihin: ang sahod sa Pilipinas ay hindi palatandaan ng talino. Palatandaan ito ng sistemang hindi pa rin nakahanay sa totoong cost of living.
Ikatlo, responsibilidad ng isang opisyal ng NWPC na maging sensitibo. Hindi niya trabaho ang magladlad ng “merit-based” worldview; trabaho niyang kumatawan sa interes ng manggagawa, pag-aralan ang wage boards, at tiyaking patas ang sahod kaugnay ng presyo ng bilihin. Kapag nanggaling sa isang ordinaryong tao ang ganitong pananalita, puwedeng matawaran bilang ignoransya. Pero kapag nanggaling ito sa opisyal na may tungkulin sa sahod ng bansa, nagiging pruweba ito ng disconnect....isang agwat sa pagitan ng policymaker at ng realidad ng mga Pilipinong nagtatrabaho.
Ikaapat, ang pahayag ay may subliminal message: na ang pagiging minimum wage earner ay isang “kabiguan.” At ito ang pinaka-delikado. Nakakalimutan natin na hindi lahat ay binigyan ng pantay-pantay na oportunidad. Hindi lahat ay may pang-tuition. Hindi lahat may access sa magandang paaralan. Hindi lahat may kaya para mag-aral nang tuloy-tuloy. Pero kahit ganito, patuloy silang nagtatrabaho, nag-aambag sa lipunan, at nagpapagal upang mabuhay ang kanilang pamilya. Hindi sila kabawasan. Hindi sila representasyon ng “pagkukulang.” Sila ang dahilan kung bakit may pagkain sa mesa ng marami.
Sa huli, ang tunay na sukatan ng lider ay hindi talino, hindi diploma, hindi “pinaghirapan ko ‘to.” Ang tunay na lider ay may empatiya. Marunong makinig. Marunong umunawa. At lalong higit, marunong gumalang.
Kung may kulang sa sahod, iyon ay usaping pangkabuhayan, hindi pang-insulto. At kung may kulang sa pag-unawa, marahil hindi manggagawa ang problema...kundi ang ilang nasa pwesto.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonColumn #MarchanismManifesto
