Sa ating bansa, kilala ang mahigpit na patakaran sa trabaho. Kapag ang karaniwang empleyado ay lumiban sa serbisyo, ibinabawas ito sa kanyang sahod o kukunin naman mula sa kanyang naipong service credit.
Ito ay makatarungan dahil ang kabayaran ay dapat katumbas ng serbisyong ibinigay. Ngunit tila magkaiba ang tuntunin kapag ang usapin naman ay tungkol sa ating mga nasa kapangyarihan.
Ito ang lumalabas sa isyung kinakaharap ngayon ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Bagama’t madalas siyang hindi pumapasok, patuloy pa rin siyang tumatanggap ng sahod na umaabot sa mahigit ₱300,000 bawat buwan.
Hindi rin tiyak ang kanyang kinalalagyan hanggang sa ngayon at maging ang kanyang mga tauhan ay walang impormasyon kung saan siya naroroon.
Gayunpaman, hindi napuputol ang pasahod sa kanyang mga kawani kahit walang malinaw na mga gawaing isinasagawa para sa kapakanan ng bayan.
Ang ganitong kalagayan ay tila hindi makatarungan at labag sa tiwalang ipinagkatiwala ng mamamayan.
Batay sa opisyal na talaan ng pagdalo ng Senado mula Hulyo 28, 2025 hanggang Marso 18, 2026, si Senador Bato ang nanguna bilang may pinakamaraming liban sa sesyon.
Sa kabuuang 58 araw ng pagpupulong, umabot sa 31 beses siyang hindi nakadalo. Ang kanyang huling pagharap sa Senado ay noong Nobyembre 11, 2025 pa lamang.
Sinasabing ang dahilan ng kanyang hindi pagpasok ay dahil sa inilabas na utos ng pagdakip ng International Criminal Court kaugnay ng kanyang pagkakasangkot sa kampanya laban sa iligal na droga noong nakaraang administrasyon.
Dahil dito, siyam na reklamo na ang inihain laban sa kanya sa Senate Committee on Ethics and Privileges. Nagbanta rin si dating Senador Antonio Trillanes IV na maghain pa ng karagdagang kaso dahil sa kapabayaan sa tungkulin.
Gayunpaman, ayon kay Senate Committee Chairman Senador JV Ejercito, wala pa sa kasalukuyang mga alituntunin ng Senado ang probisyong “walang trabaho, walang sahod”. Kinakailangan pa muna itong imungkahi at aprubahan bago maging ganap na patakaran na maaaring gamitin bilang batayan ng desisyon.
Malinaw na may dalawang uri ng panuntunan na umiiral sa ating lipunan. Ang batas na mahigpit na ipinapatupad sa mga ordinaryong manggagawa ay hindi ginagamit sa mga mambabatas. Ang patuloy na pagtanggap ni Senador Bato ng sahod kahit hindi naman nagtatrabaho ay pag-aaksaya lamang ng kaban ng bayan.
Ang perang natatanggap niya ay galing sa buwis ng mamamayan na dapat sana ay ginagamit para sa mga proyekto at serbisyo para sa lahat. Kapag hindi ito naaksyunan agad, maaari itong maging masamang halimbawa at gagayahin pa ng iba pang mga opisyal ng pamahalaan.
Nararapat nang kumilos agad ang Committee on Ethics upang lutasin ang isyung ito. Dapat din nilang isama sa kanilang mga alituntunin ang polisiyang “No Work, No Pay” upang maging pantay at makatarungan ang lahat.
Ang mga mambabatas ay dapat ding sumunod sa parehong mga alituntunin na sinusunod ng karaniwang mamamayan. Umaasa rin tayo na magkakaroon ng konsensya ang nasabing senador at gampanan nang tapat ang tungkuling ipinagkatiwala sa kanya ng bayan.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

