The Equalizer, Ace Fernandez
The Equalizer

Ang hunyango

Dec 8, 2021, 12:12 AM
Ace Fernandez

Ace Fernandez

Writer/Columnist

ANG hunyango ay isang uri ng hayop na kung saan kumakapit ay nakakagaya ng kulay sa kinakapitan. Parang maganda pag sa hayop. Pero pag sa tao, hindi maganda ang ganito.

May mga tao kasi na kaugali ng hunyango. Kung saan may pakinabang eh doon kumakapit at kung umarte ay pareho na rin ng kinakapitan. Kung ang kinakapitan ay ganid, nagiging ganid na rin ito. Ito ang HUNYANGO!

Si Aling Nena Bagonggahasa.

Minsan ay kakwentuhan ko sa Pacific Mall ang senior citizen na si Aling Nena. Sabi niya, ang isang hayop na hindi agad mapapansin ay ang Hunyango. Naitanong ko sa kanya kung bakit?

Ayon kay Aling Nena, ang mga tulad nyang anak ng mahirap ay laging napapaglaruan ng ibat- ibang kulay ng mga politiko. Ang mga hampaslupa na tulad nya umano ay matagal nang iginapos sa kamangmangan ng mga naghaharing-uri.

Alam nya na ang tamis ng mga pangako sa panahon ng eleksyon ay palamuti lamang sa mga sakit ng lipunang kontrolado ng mayayaman at may koneksyon sa may kapangyarihan.

Minsan, sinubok nyang paliwanagan ang kanyang mga kasamahang kapwa mahirap na may pag-asa pa silang umunlad ngunit hindi siya pinakinggan ng mga ito. Naniniwala ang mga ito na tungkol sa pagkakataon at oportunidad na pwede nilang gawin upang minsan sa kanilang buhay ay maranasan ang maging malaya sa kahirapan at pagiging mang- mang, subalit hindi sya pinakinggan ng mga ito sapagkat sila ay naniniwala na hangga't may mga Hunyango ay hindi kailanman mababago ang takbo ng kanilang buhay.

Sino namang politiko ang totoong kakalinga sa atin at hahango sa ating kalagayan, tanong ng isa nyang kasamahan. Sumagot ang isa pang dukha at sinabing ...imposibleng alisin nila tayo sa ating kinasadlakang kahirapan.

Napansin ko na si Aling Nena ay lalong naging emosyonal sa pagsasalaysay ng buhay ng isang maralita. Kaya nasabi ko na may pagkakataon pa na makabangon ang tulad nilang dukha basta lamang maninidigan sila sa tama.

Tumingin sya sa akin at may pait sa kanyang tugon:
Hinding-hindi na kami makalalaya sa ganito hangga't merong Hunyangong nakapwesto sa ating gobyerno. Iisa ang kanilang layunin kung bakit nag-iiba't-ibang kulay ang mga politiko sa panahon ng halalan dahil ibat- iba rin ang kanilang adyenda para sa kanilang sarili at hindi kabilang sa mga adyendang ito ang interest naming mga kapuspalad.

Sa huli ay tinanong ako ni Aling Nena: "Ikaw, hindi ka ba isang Hunyango?"
Sa puntong 'yon ay wala akong naisagot sa kanya sapagkat kailangang suriin ko munang mabuti ang aking sarili na kung ako ba ay hindi naging hunyango.
Ngayon, ako naman ang magtatanong sa inyo --Hindi ba kayo naging hunyango?

Habang naghihintay ng sagot ay binalingan ko si Aling Nena at sinabing huwag siyang mawalan ng pag-asa "dahil may mga lider na public servant at hindi politiko kaya dapat nila itong suportahan sa darating na eleksyon sapagkat minsan lang dumating ang....Serbisyong Tunay At Natural..."#


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.