"Tawaran sa Palengke by Padjo A. Valdenor
Tawaran sa Palengke

Ang chess sa gitna ng boxing

Oct 21, 2021, 11:55 PM
Padj A. Valdenor

Padj A. Valdenor

Writer/Columnist

NAPAKAINGAY sa social media ngayong malinaw na kung sinu-sino ang mga tatakbong pangulo sa darating na pambansang eleksyon sa 2022. Umiinit ang kantiyawan, upatan, siraan at batuhan ng putik ng mga taga-suporta upang ipagtanggol o ibenta ang kanilang mga pambato.

Animo ay isang boxing ring ang social media. Nagsasalpukan na sa virtual reality ang mga maka-Leni (nakapink trunks) at mga maka-Bongbong (in red, white, at blue trunks). Iyong maka-Yorme naman, nais makisawsaw sa bugbugan online. Iyong iba na may ibang pambato, eh, hindi nakikisali o umiiwas muna sa babagan ng mga pinkilawan at Marcos loyalist.
 
Kumbaga sa klase ng mga manood at tagasuporta, maingay ang class B at C crowd para sa naka pink trunks. Dumadagundong ang kanilang ingay sa sa iba’t ibang plataporma ng social media. Habang ang ibang katunggali nila ay nakikipagsabayan sa pajab-jab lang.
 
Ngunit may isang kalahok sa boksing na tila tahimik. Kahit ang mga taga-suporta nito ay tahimik. Kahit na paminsan-minsan ay minamaliit ng ibang grupo ang kanilang manok. Bagaman tahimik, isa siya sa mga top cards ayon sa sarbey sa mga tumatakbong pangulo. Hindi sya nangunguna pero sa kabilang siya sa isa sa mataas ang porsyento na ihahalal na pangulo ayon sa huling sarbey.
 
Hindi ata sasabay sa laro ng boksing ang mama. Ang hinala ko ay naglalaro siya ng chess. Sa paglalaro ng chess, kailangan ang katahimikan kapwa manonood, taga-suporta, at manlalaro. Tahimik na nag-iisip ang manlalaro sa bawat moves na kanyang gagawin. Kailangang may estratehiya at taktika bawat galaw ng chess piece upang magapi ang katunggaling kalaro. Sa chess ay nasusuri o napag-aaralan ang sitwasyon ng laro
 
Tulad din ng boxing may preparasyon ang paglalaro ng chess. Subalit, ang kaibahan nito, sa matahimik na pag-iisip nabubuo ang plano at estratehiya. Hindi kinakailangan ang unang mga galaw at hakbang ay may impact agad sa kabuuang laro. Minsan kinakailangan ng pain para lituhin ang katunggali. Sa larong ito hindi mababasa agad-agad ng kaaway ang iyong mga balak. Lagi ka dapat nakalalamang ng 5 hakbang sa kalaban. Ika nga ng mga miron, kailangan may natutunan ka sa Art of War ni Zun Tzu dahil sa larong chess mahalaga ito.
 
Habang nagbabangayan sa cyberspace ang mga katunggali sa politika mas pinili ng mamang ito ang manahimik, magmasid, mag-aral, at maghanda para sa kanyang paggalaw. Kapagka latag na ang buong estrahiya at paano pagagalawin ang kanyang chess pieces sa board saka mauusal ng mga miron ang: “In five moves, check mate.”


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.