Ala 'eh mismong ngalan ni Colonel Samson pineke na; Atty. Rhea Gregorio, tahimik
iTalk

Ala ‘eh, mismong ngalan ni Colonel Samson pineke na; Atty. Rhea Gregorio, tahimik

Dec 6, 2023, 1:40 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

Tsk...tsk...tsk.

Wala na talagang sinasanto ang mga mandarambong sa mga panahon ngayon.


Seguro nga ganito na kagipit ang iba nating mga kababayan. Kapit na gid sa patalim.


Mantakin n’yo bang gamitin na rin nila ang mismong pangalan ni PColonel Samson Belmonte sa panlolokong “makahingi ng pabor o oportunidad.” Epektibo nga siguro ngunit mapanganib.


Opo, naniniwala tayong hindi ito isang “isolated case” dahil sa dami na ng nangyaring ganito kung saan pati na mga politiko, senador, mayor, gobernador, o lahat na ata ng may “or” ang dulo ay ginamit na ng mga scammers na kadalasan ay sa social media ang operasyon.


Basahin natin ang mismong alarmang pinalabas ng ating kapulisan sa Batangas:

“Nakaabot po sa aming kaalaman na may personalidad na diumano ay ginagamit ang pangalan ng Provincial Director ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), Police Colonel Samson B Belmonte, sa layuning humingi ng pabor o oportunidad.

Nais po naming ipaabot na ang ating Provincial Director ay hindi nanghihingi ng anumang pabor o oportunidad gamit ang posisyong kanyang pinanghahawakan.

Kung kayo po ay nilapitan ng sinumang indibidwal o grupo na ang ginagamit na panagalan ay ang pangalan ni Police Colonel Samson B Belmonte, huwag po kayong magpapalinlang bagkus ay ireport ito sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya sa inyong lugar o tumawag sa aming hotline number 0917-143-1580.”


Yan, yan ang kumpletong alarma na pinalabas ng BPPO.


Ang kaso lang, magpahanggang ngayon, habang sinusulat natin itong piyesang ito, aba ni ho, ni ha ay nanatiling tahimik o tameme ang inilagay na hotline number na nariyan ang ating kapulisan.





Paano na kung mayroon na po sana tayong isusumbong?



Ay, tyak na mananatiling mamamayagpag ang suspek dahil sa kupad ng aksyon ng ating kababayang pulis na naka-assign sa pag-sagot sa naturang numero (0917-1431580).


***

Gaya rin ito sa ating followup sa opisina ni Atty. Rhea Gregorio, District Collector ng Bureau of Customs-Port of Batangas.


Nananatili ring walang sagot ang ating Viber message sa opisina ni Atty. Rhea tungkol sa atin po sanang inquiry kung ano ang kanyang komento sa mabigat na paratang ni Sen. Raffy Tulfo na umano’y sa Port of Batangas nakapuslit ang dalawang (2) Bugatti Chiron.


Dineklara diumano ang naturang shipment na mga pick-up trucks dahil ito ay libre sa buwis o tax-free na makakapasok sa alin mang daungan na hawak ng BOC.

Ang bawat isang Bugatti Chiron ay nagkakahalaga diumano ng $3 million at ang buwis sanang babayaran ng may-ari ng dalawang BC ay humigit kumulang sa P6 million. Sana. Eh, kaso nga ayon kay SRT, nadenggoy ang bayan nating mahal sa kadahilanang dineklara itong dalawang Toyota Tacoma Pickup Trucks.


Kinumpirma pa ito ni Sen. Sonny Angara na siyang sponsor sa panig ng BOC sa hinihingi nitong pondo sa susunod na taon noong pagdinig noong nakalipas linggo na wala sa ledger ng BOC na nagsasabing may pumasok na dalawang Bugatti Chiron


Kung hindi na rin matutuloy ang sinasabi ni SRT na “we will get into the bottom of this” Senate inquiry, ay humigit-kumulang alam na natin ang malamang na nangyari sa dako pa roon.


Your guess is as good as mine.


Abangan natin mga tao!

#iTalk #IsmaelAmigo #OpinYonBatangas #ColonelSamson #SamsonBelmonte #RheaGregorio #BOCBatangas #BugattiChiron #OpinYonColumn #OpinYon #WeTakeAStand



We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.