2 dekadang panata ng isang tatay
iTalk

2 dekadang panata ng isang tatay

Apr 3, 2024, 12:41 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

Isang ama sa Lobo, Batangas, ang diumano’y halos dalawang dekada nang nagpapakasakit bilang penitensiya para lamang gumaling ang kaniyang mga mahal sa buhay sa tuwing sasapit ang Semana Santa.

Ang lahat ng ito ay pagpapahayag ng kaniyang matinding debosyon sa Diyos para sa ikagagaling ng kaniyang mga mahal sa buhay na may karamdaman.

Ang mapagmahal na ama na ito ay si Felix Barredo, na aniya, simula pa noong 2002 nang ilunsad niya ang kaniyang panata na magpakasakit bilang penitensiya.

Ayon kay Barredo, may mga kahilingan siya sa Panginoon para sa paggaling ng kaniyang ina at mga anak.

Ang ina ni Barredo ay may stage three cancer.

"Wala kaming sapat na pera na pambili ng gamot. Sunod na nagkasakit ang panganay kong anak, may kombulsyon dahil sa taas ng lagnat,” pahayag niya.


Hindi nagtagal, nagkasakit din ang kaniyang anak na babae.

“Hindi pa doon natapos. Sumunod ang aking anak na babae. Natuklasan na may butas sa puso na 0.3. Agad kaming pinayuhan na kailangan niyang sumailalim sa open heart surgery. Subalit, wala kaming pambayad sa ganitong uri ng operasyon.
“Nagdasal ako para sa aking sarili, nagmakaawa. Isipin ko na lang ang mga pagkakataong ganito, na nasa Kanya na ang lahat. Sa tulong at awa ng Diyos, ngayon ay labing-apat na taong gulang na siya,” kuwento ni Barredo.


Nagsisimula si Barredo sa kaniyang panata sa tabing-dagat ng alas-5 ng umaga, at natatapos ito ng mga alas-8 ng umaga tuwing Biyernes Santo.

Ang hampas sa kaniyang likod ay ginagawa gamit ang matibay na kawayan.

Sa loob ng kaniyang penitensiya, tinitiis ni Barredo ang 48 na hampas sa likod, at kung minsan ay nadadagdagan pa ng 28 kung sakaling may nagawa siyang kasalanan.

“Hindi ko masasabing hindi ito masakit dahil totoong dumudugo ang aking katawan,” saad ng ama.
“Ngunit para sa akin, ang mahalaga ay ang pagtuon sa Kanya (sa Panginoon), doon ka mag-focus. Patuloy kang manalangin. Sa bandang huli, marerealize mo na malapit ka nang matapos, hindi mo mamalayan” dagdag niya.

Nagdoble ang pagdurusa ni Barredo dahil pagkatapos ng pagpapakasakit, siya ay pupunta sa dagat upang hugasan ang kaniyang mga sugat, na tiyak na sobrang hapdi ng tubig alat.

Gayunpaman, nagpahayag ang isang eksperto na maaaring hindi steril ang ginamit na kahoy ni Barredo, na maaaring magdulot ng mga sakit tulad ng Hepatitis B o HIV.

Ang kwento ito ng malalim pananampalataya ni Ginoong Barredo ay naging viral at nai-feature pa sa isang sikat na vlog.

Sana’y naging maging makabuluhan ang Holy Week na nakalipas sa ating lahat.


Email ismaelamigo@yahoo.com  para sa inyong mga komento at suhestiyon.

#WeTakeAStand #OpinYon #ColumnbyIsmaelAmigo #iTalk


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.