13-0: Mensahe ng Korte Suprema
MARCHANISM MANIFESTO

13-0: Mensahe ng Korte Suprema

Aug 4, 2025, 7:15 AM
Rommel Mark Dominguez Marchan

Rommel Mark Dominguez Marchan

Columnist

Ang 13-0 ay higit pa sa bilang. Isa itong mensahe ng pagrespeto sa mga institusyon, sa Konstitusyon, at sa checks and balances ng gobyerno. Hindi ito pagtatanggol kay Bise Presidente Sara Duterte. Ito ay pagtindig para sa batas at sa tamang proseso.

Isang matunog at buo ang pasya ng Korte Suprema: labintatlong Mahistrado ang bumoto pabor sa pagbabasura ng petisyon, laban sa wala. Isang abstain. Isang naka-leave. Wala ni isa ang kumontra — kahit pa ang tanging Justice na itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos, si Justice Villanueva, ay pumabor din sa desisyon.


Mahalagang maunawaan ng publiko: Hindi ito hatol sa pagkatao ni VP Sara. Hindi rin ito pagsang-ayon o pagtutol sa kanyang mga polisiya o pamumuno. Ang sentro ng usapin ay kung naaayon ba sa Saligang Batas ang mungkahing proseso ng mga nagsampa ng kaso. Sa madaling sabi: Tama ba ang ginawang paraan para siya ay panagutin?


Ang sagot ng Korte Suprema ay diretsahan: Hindi.


Hindi ito ang tamang panahon. Higit sa lahat, hindi ito ang tamang daan.


Malinaw ang ipinahayag ng Korte:

“We do the right thing, the right way, at the right time.”

O sa mas payak na wika: Gawin ang tama, pero siguraduhing nasa ayos ang paraan at oras.


Ang batas ay hindi maaaring pilitin, likuin, o lampasan para lamang maisakatuparan ang kagustuhan ng iilan. Sa isang demokratikong lipunan, ang paraan ng paniningil ng pananagutan ay dapat ayon sa Saligang Batas, hindi ayon sa emosyon, galit, o agenda.


Kung may nais tayong papanagutin — kahit gaano pa ito kahalaga sa atin — hindi pwedeng daanin sa shortcut. May tamang proseso, may wastong mekanismo. Hindi puwedeng idaan sa maling paraan ang isang layunin kahit pa ito'y sa tingin ng ilan ay "makatarungan."


Kung ipagpipilit pa rin, babala ng Korte: hindi sa pamamagitan ng impeachment ang daan. Hindi ito lugar ng padalos-dalos o pag-abuso sa kapangyarihan.


Ang 13-0 ay higit pa sa bilang. Isa itong mensahe ng pagrespeto sa mga institusyon, sa Konstitusyon, at sa checks and balances ng gobyerno. Isa itong paalala na hindi lahat ng gusto ay puwedeng ipilit — kahit may sigaw ng masa o lakas ng politika.


Sa panahon ng mabilisang hatol sa social media, ng mga viral opinion at ‘cancel culture’, mahalagang paalalahanan ang sarili: may mga demokratikong haligi tayong dapat igalang. At isa na rito ang Korte Suprema.


Hindi ito pagtatanggol sa isang opisyal. Ito’y pagtatanggol sa pundasyon ng ating sistema — na sa mata ng batas, ang paraan ay kasing halaga ng layunin.


Sa dulo, ito ang sinasabi ng 13-0:

Kung may laban ka, ipaglaban mo. Pero tiyakin mong nasa tamang landas ka — sa paraang tama, sa panahon na tama, ayon sa batas na tama.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #MarchanismManifesto


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.