Sa panahon ngayon ng social media at artificial intelligence (AI), higit na mahalaga na mapagyabong ang wika, kultura at kasaysayan sa diwa ng mga kabataan.
Ito ang naging mensahe ng lokal na pamahalaan ng San Pedro, Laguna sa pagdaos nito ng dalawang mahahalagang pulong na naglalayong palawakin ang pag-unawa at pagmamahal ng mga San Pedrense sa kanilang wika at kasaysayang lokal.
Ang nasabing mga event ay pinangunahan ng San Pedro City Tourism, Culture and Arts Office (CTCAO) bilang sabayang pagdiriwang sa Buwan ng Kasaysayan at Wikang Filipino ngayong Agosto.
Wikang Filipino sa Panahon ng AI
Pagpapahalaga at pagpapayabong sa wikang Filipino sa panahon ng artificial intelligence ang naging paksa ng ikaapat na "Kaagi: Talastasan sa Kasaysayan at Kultura" na ginanap sa Pacita Astrodome noong Huwebes, Agosto 20.
Ayon sa CTCAO, layunin ng taunang sampaksaang ito na talakayin ang iba't ibang isyu sa kultura, wika at kasaysayan.
Dumalo sa nasabing aktibidad ang mga guro at mag-aaral mula sa iba't ibang paaralan ng San Pedro at Biñan, gayundin ang mga kasapi ng Junior City Officials Program ng City Youth and Sports Development Office.
Kabilang sa mga paksang tinalakay sa Kaagi ay "Ang Wika at Panitikan sa Panahon ng AI” ni Katuwang na Propesor Roland Bautista ng National University - Las Piñas; "Tagalog Rap: Isang Pagninilay sa Pag-Angkin" ni Kat. Prop. Kevin Paul "Ose" Martija ng University of the Philippines - Los Baños (UPLB); at "Laro 101: Online Games at Kulturang Pilipino sa Kontemporaryong Panahon" ni Kawaksing Propesor Mariel Hiyas Liwanag ng UPLB.
Kasaysayang lokal
Samantala, pagtalakay at pagbuhay naman sa lokal na kasaysayan ng San Pedro ang naging pangunahing agenda sa "KapihangSaysay: San Pedro Oral History Forum” sa Archie's Bar and Resto, Barangay San Antonio noong Miyerkules, Agosto 19.
Layunin naman ng aktibidad na ito na makapanayam ang ilang mga naunang henerasyon ng San Pedrense ukol sa kanilang mga gunita at karanasan bilang mga mamamayan ng ating lungsod sa loob ng mahabang panahon.
Sa pamamagitan ng kasaysayang pasalita (oral history) at tradisyong pasalita (oral tradition), nais rin ng CTCAO na makakalap pa ng mas maraming datos ukol sa makulay na kasaysayan ng San Pedro.
Nagsilbing mga tagapagsalita sina Cely Legaspi-Bedico ng Barangay Poblacion, Mario Bergantiños ng Barangay San Vicente, Sonny Ordoña ng Barangay Landayan, Aldrin Rudio ng Barangay San Roque, at Antonio Almeida ng Barangay Poblacion.
Karamihan sa mga naging tagapagsalita ay mga kasapi ng mga matatandang pamilya sa San Pedro na malaki ang naging ambag sa paghubog sa kasaysayan ng lungsod, gayundin ay mga naglingkod sa pamahalaang lokal ng San Pedro o di kaya ay nakapag-ambag ng kaalaman ukol sa mayamang kultura ng lungsod.
Si Sonny Ordoña, halimbawa, na kilalang deboto ng Santo Sepulcro (Lolo Uweng) ng Landayan ay nakapagsulat na rin ng ilang mga aklat ukol sa makulay na kasaysayan ng pananampalataya ng mga Katolikong Lagunense kay Lolo Uweng.
Ilan sa mga tinalakay ng mga panauhin ang ilang tradisyon at mga kuwentong bayan sa San Pedro na naipasa na sa iba't ibang mga salinlahi, gayundin ang mga nakalipas na kaganapang pangkasaysayan na kanilang nasaksihan sa ating lungsod.
Ipinagkaloob naman ni Almeida sa CTCAO ang talaarawan ng kanyang ninuno na si Tenyente Antonio Guevara Almeida na lumaban noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at nagsulat ng ilan sa kanyang mga naging karanasan sa nasabing dokumento.
Talang magagamit
Ayon sa pinuno ng San Pedro CTCAO na si Jhe-Rico Sam Colina, nadagdagan pa ang mga tala na maaaring magamit ng kanilang tanggapan sa patuloy na pagbubuo nila ng kwento ng isang San Pedro na patuloy na lumulunsad patungo sa kaunlaran.
Sa isang mensahe sa OpinYon Laguna, ibinahagi niya na balak na ng kanyang tanggapan na makapaglabas ng bagong mga aklat at materyales ukol sa kasaysayan at kultura ng lungsod.
“Medyo tumatanda na rin po kasi ang ating existing materials at nagiging outdated na rin po dahil sa mga bagong nadidiskubreng mga dokumento at mga kuwento mula sa ating mga elders,” ani Colina.
Balak din aniya ng CTCAO na maglibot sa mga paaralan sa lungsod, gayundin ang paglikha ng mga multimedia material na siyang magtuturo sa mga kabataan sa kasaysayan ng lungsod sa paraang mauunawaan ng kasalukuyang henerasyon.
“Hopefully rin po ay magkaroon na rin po ng progress yung balak po na revival ng City Museum dahil isa rin po itong magandang paraan para maganyak ang mga tao, lalo ang mga kabataan na tuklasin ang ating lungsod,” dagdag pa ni Colina.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

