'White van' na nangunguha ng mga bata, 'fake news' - PNP
Fake

'White van' na nangunguha ng mga bata, 'fake news' - PNP

Feb 17, 2025, 7:55 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Sa kabila ng mga paulit-ulit na paglilinaw ng mga awtoridad, hindi pa rin masawata ang mga “fake news” na kumakalat sa social media ukol sa matagal nang “urban legend” na isang puting van ang gumagala at nangunguha ng mga bata sa iba’t ibang bahagi ng Calabarzon.

Kamakailan ay muli na namang kumalat ang isang chain message sa social media ukol sa umano’y pagdukot ng isang white van sa mga dalaga sa mga lalawigan ng Batangas at Laguna, bagay na pinabulaanan ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Ayon sa isang opisyal ng Laguna Police Provincial Office (LPPO) na humiling na huwag ibigay ang kanyang pagkakakilanlan, wala umanong natatanggap na ulat ang anumang himpilan ng pulisya, sa Laguna man o sa iba pang bahagi ng Calabarzon, ukol sa nasabing mga insidente.

Nauna nang humingi ng pahayag ang OpinYon Laguna sa mga awtoridad ukol sa kumakalat na namang mga ulat sa social media tungkol nga sa umiikot na "white van" na nandurukot umano ng mga bata sa iba't ibang bahagi ng rehiyon.

"Validated na raw po iyan. Wala raw pong ganyang report," pahayag ng opisyal sa isang mensahe sa OpinYon Laguna.

Samantala, nilinaw ng isang barangay captain mula sa Lipa City, Batangas na si Noli Peña na hindi galing sa kanya ang mga chain messages na may pangalan niya na umano’y nagbibigay-babala sa mga sindikatong dumudukot umano ng mga bata.

"Akin pong ipinagbibigay alam na ang kumakalat na mensahe ay hindi nagmula sa akin. Ngunit paalala na din po na lagi tayong mag-iingat sa lahat ng oras," pahayag ni Peña sa kanyang social media page.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #FakeNews #PNP


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.