Ano kaya ang puntirya, yung van o yung LPG?
Ito ngayon ang tanong ng mga awtoridad matapos isang deliveryman ang tumangay umano ng van ng establisyimentong kanyang pinagtatrabahuhan sa Cabuyao City, Laguna noong Lunes, May 4.
Personal na nagtungo sa Cabuyao City Police Station ang may-ari ng isang liquefied petroleum gas (LPG) dealer sa Barangay Sala upang i-report ang nangyaring pagtangay sa utility van ng kanyang establisyimento.
Ayon sa kwento ng biktima na kinilala lamang sa alyas na "Christopher," nire-review niya umano ang CCTV footage ng kanyang tindahan nang mapansin niyang biglang naputol ang footage.
Nang magpunta siya sa tindahan upang siyasatin ang CCTV ay doon niya nadiskubre na nawawalaN na pala ang Suzuki Carry van at hindi na rin mahagilap ang deliver driver na kinilala lamang sa alyas na "Lemuel".
Napag-alaman na may lamang 49 na 11-kilogram LPG tanks ang nasabing van nang ito'y tangayin.
Sa pagsisiyasat ni "Christopher" ay napansin din niya na sadyang pinutol ang mga wire ng CCTV bago tinangay ang van.
Isang follow-up operation na ang isinasagawa ng mga awtoridad upang marekober ang sasakyan, gayundin upang madakip ang suspek na posibleng maharap sa kasong carnapping.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

