Sa gitna ng patuloy na krisis, isang larawan sa Facebook ng aking kaibigan ang malinaw na sumasalamin sa kasalukuyang kalagayan ng maraming Pilipino: isang pamilyang nagluluto gamit ang mga patapong tuyong kahoy at sanga-sanga.
Hindi sila kabilang sa pinakamahirap—sila ay bahagi ng middle class na may sapat na kita at nagbabayad ng withholding tax buwan-buwan.
Gayunman, dahil sa taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, napipilitan silang gumamit ng mga patapong kahoy upang makatipid. Hindi na lamang ito kuwento ng iilan, kundi reyalidad na nararanasan ng mas maraming pamilya sa bansa.
Habang umaangat ang presyo ng LPG, koryente, at maging ng uling, muling bumabalik ang marami sa tradisyunal na paraan ng pagluluto—isang sitwasyong mahirap isipin sa panahon ng makabagong technology.
Ngunit hindi maikakaila na ang dating simpleng solusyon ay nagiging dagdag na pasanin na rin. Ang uling at kahoy na dati’y abot-kaya o minsan ay libre pa, ngayon ay mahirap nang makuha at mahal na rin ang halaga.
Ang isang LPG ay umaabot na sa 1,600 piso, isang halaga na labis na nagpapahirap hindi lamang sa mga pamilyang ordinaryo kundi pati na rin sa maliliit na negosyo tulad ng tinapayan at karinderya. Marami ang napipilitang mamulot ng anumang patapong kahoy o basura para lamang may magamit na gatong.
Samantala, kahit may mga hakbangin ang pamahalaan gaya ng pagsuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa excise tax sa LPG at kerosene, hindi pa rin ramdam ng karamihan ang ginhawa dahil mataas pa rin ang presyo ng LPG.
Sa kabila ng mga pagsubok, malinaw na ang problemang ito ay hindi lamang usapin ng presyo.
Isa itong repleksyon ng mas malalim na krisis na kinakaharap ng bansa. Ang dating simbolo ng diskarte at pagtitipid—ang paggamit ng pugon, uling, at patapong kahoy—ay nagiging senyales na rin ng kawalan ng sapat na mapagpipiliang abot-kaya at maayos na paraan ng pagluluto para sa karaniwang Pilipino.
Napipilitan ang marami na mamili kung itutuloy pa ang nakasanayan o susuko na lamang dahil hindi na kaya ng bulsa.
Hangga’t walang maayos at abot-kayang pamalit, mananatiling mabigat ang pasanin ng bawat pamilyang umaasa sa init ng uling at patapong kahoy.
Sa bawat pag-usok ng pugon, nawa’y hindi ito maging hudyat ng lalong pagbibigat ng buhay kundi maging paalala ng pangangailangan ng tunay na pagbabago—isang pag-unlad na presyong kayang abutin ng ordinaryong Pilipino.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

