Labis na ikinabahala ng ilang sektor sa loob ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang iminungkahing Reframed General Education (GE) Curriculum ng Commission on Higher Education (CHED) kamakailan.
Sa inilabas na pahayag ng University Council ngayong Huwebes, June 25, mariin nilang ipinahayag ang kanilang pagtutol sa hakbang na ito ng ahensya.
Sa ilalim ng naturang reporma, ang mga nakasanayang GE courses tulad na lamang ng ethics, philosophy at literature ay pagsasamahin sa iisang kurso dahil sa anila’y repetitive characteristics at content ng mga ito mula senior high school.
Dahil dito, mababawan ang GE units sa kolehiyo mula sa kasalukuyang 36 sa 18 o 21 units.
Matatandaan rin na ipinagpaliban rin ng CHED ang pagpapatupad ng naturang curriculum ngayong academic year 2025-2026 dahil na rin sa sunod-sunod na pagtutol ng iba’t-ibang higher education institution (HEI) hinggil sa planong pagbabago.
Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, tinatarget na nila ngayon na maipatupad ang naturang curriculum sa taong 2028 upang mabigyan sila ng sapat na panahon upang pag-aralan ang pangangailangan ng mga stakeholder.
Sa kabila nito, naniniwala ang UPLB na mahalagang talakayin ang implikasyon ng bagong curriculum para sa kahihinatnan ng liberal education, academic freedom, at higher education sa national development.
Anila, bagama’t importante na makapag-produce ang mga unibersidad ng employable graduate, hindi dapat mawala ang kakayahan nito sa critical and creative thinking, ethical reflection, civic engagement, at responsible leadership.
Para sa kanila, matutupad lamang ito sa pamamagitan ng isang maayos at makabuluhan na General Education program, kung saan nakapaloob ang iba’t-ibang disiplina gaya ng humanities, social sciences, mathematics at natural sciences.
Bukod dito, kabilang din sa kanilang binibigyang linaw ay ang magiging epekto nito sa faculty, academic units, at educational institutions sa buong bansa.
Anila, ang problema ng bansa pagdating sa higher education ay hindi lamang nakukulong sa kasalukuyang curriculum.
Ito ay dahil kasama rin dapat sa isinasaalang-alang ang teacher development, labor insecurity within the academic sector, inadequate education resources, unequal access to quality education, at persistent social inequalities.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #UPLB #CHED

