Isang makasaysayang hakbang ang nagbukas ng bagong pag-asa sa mga Quezonin matapos personal na bumisita ang mga opisyal ng Lucena United Doctors Hospital and Medical Center (LUDHMC) sa tanggapan ni Mayor Mark Alcala nitong Lunes, April 6.
Pinangunahan nina Dr. Gerardo Salazar, Quality Chief Officer; Dr. Vivian Dedace, Chief Nursing Officer; at Hazel Vidal, Marketing Officer, ang courtesy visit na naglalayong ibahagi ang balita tungkol sa pagtatayo ng kauna-unahang Cancer and Radiotherapy Centers sa lalawigan.
Sa kanilang pagbisita, malugod na inimbitahan ng LUDHMC ang punong lungsod na dumalo sa nakatakdang groundbreaking ceremony sa darating na April 30 (Huwebes).
Ang nasabing proyekto ay inaasahang magiging mahalagang bahagi ng serbisyong medikal sa rehiyon, na magbibigay ng akses sa dekalidad at makabagong cancer treatment para sa mga pasyente hindi lamang sa Lucena kundi sa buong Quezon.
Matapos ang pagpupulong, ipinaabot kaagad ni Alcala ang kanyang taos-pusong pagbati at suporta sa LUDHMC, binigyang-diin ang kahalagahan ng bagong medical facility bilang instrumento ng pag-asa at lunas para sa mga kababayan na dumaranas ng cancer.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan na ang proyektong ito ay magpapalakas sa kakayahan ng lungsod at ng lalawigan na tumugon sa pangangailangang medikal.
Ang Cancer and Radiotherapy Centers ay inaasahang magdadala ng makabuluhang pagbabago sa landscape ng healthcare sa Quezon, at magsisilbing inspirasyon sa iba pang pribadong sektor na tumulong sa pagsusulong ng makabagong serbisyong pangkalusugan sa rehiyon.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

