Isinagawa kamakailan ang kauna-unahang Calabarzon Corn Derby Harvest Festival sa Sitio Rasak, Barangay Manggalang Bantilan, Sariaya Quezon.
Dinaluhan ito ng mga magsasaka ng mais, mga Agricultural Extension Workers o AEWs, mga municipal at city agriculturists, at iba pang stakeholders mula sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon.
Ang aktibidad ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Agriculture Calabarzon Corn Program, Office of the Provincial Agriculturist ng Quezon, at ng Quezon Provincial Corn Producers Federation.
Nakibahagi rin sa Corn Derby ang limang seed companies at anim na fertilizer companies na nagpakita ng kani-kanilang produkto at teknolohiya.
Layunin ng Corn Derby na maipakilala sa mga magsasaka ang iba’t ibang uri ng binhi ng mais na angkop sa lokal na kondisyon at may kakayahang magbigay ng mataas na ani.
Bahagi rin ng aktibidad ang pagpapakita ng performance ng iba’t ibang biofertilizers bilang alternatibo sa synthetic fertilizers, na isa sa mga pangunahing dahilan ng mataas na gastos sa produksyon ng mga magsasaka.
Ayon sa mga organizer, inaasahang makatutulong ang Corn Derby sa pagpapataas ng kaalaman ng mga magsasaka sa makabagong teknolohiya sa pagtatanim ng mais, gayundin sa pagpapababa ng gastusin at pagpapataas ng kanilang ani at kita.
Samantala, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga dumalo na direktang makipag-ugnayan sa mga eksperto at kumpanya upang mas mapalalim ang kanilang kaalaman sa tamang pagpili ng binhi at paggamit ng pataba.
Inaasahang magiging tuloy-tuloy ang ganitong uri ng inisyatiba bilang bahagi ng pagpapalakas ng produksyon ng mais sa Calabarzon.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

