Umano'y drug syndicate leader, timbog sa kasong murder
Crime

Umano'y drug syndicate leader, timbog sa kasong murder

Jun 29, 2026, 1:57 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Patong-patong na mga kaso ang haharapin ng isa umanong lider ng drug syndicate matapos madakip ng mga awtoridad sa Calamba City, Laguna kamakailan.

Kinilala ng Calamba City Police Station ang suspek na si alyas "Robin," 27 anyos at residente ng Barangay Palingon ng lungsod na ito.


Nadakip si alyas "Robin" sa isang operasyon ng mga operatiba ng Laguna Provincial Special Operations Unit (Lead Unit), Laguna Provincial Intelligence Unit, Regional Intelligence Team 4A, at Calamba Component City Police Station sa kanyang pinagtataguan sa naturang barangay noong June 21.


Ang suspek ay itinuturing na "Regional-Level Most Wanted Person" at isa umanong lider ng isang sindikato na tinaguriang "Manila Drug Group."


Inaresto siya sa bisa ng isang warrant of arrest para sa kasong murder na inilabas ni Hon. Hector De Asis Buenaluz Jr., Presiding Judge ng Branch 103, Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Calamba City, Laguna, noong February 18, 2026, nang walang inirekomendang piyansa.


Bukod dito ay mayroon rin umano siyang outstanding warrant of arrest para naman sa kasong attempted murder na may inirekomendang piyansa na P120,000.00, na inilabas ng Regional Trial Court Branch 104 sa Calamba City, Laguna.


Sa kasalukuyan, ang akusado ay nasa kustodiya ng Calamba Component City Police Station Custodial Facility habang hinihintay ang mga susunod na kaukulang legal na proseso.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #Crimes


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.