Nagiging patok nang pasyalan ng mga turista at residente ang makasaysayang Tulay ng Malagonlong sa lungsod ng Tayabas, Quezon.
Isa nang umuusbong na tourist attraction sa lungsod ng Tayabas, Quezon ang Tulay ng Malagonlong, isa sa mga pamosong tulay ng lungsod na itinayo noong panahon ng mga Kastila.
Nagsisilbi ngayong pasyalan kung saan mapapanood ng mga dumaraan ang rumagasang daloy ng Ilog Dumacaa.
Patok din itong pahingahan ng mga nagjojogging at bikers sa Bypass Road sa Barangay Lakawan at Barangay Mate upang lumanghap ng sariwang hangin habang tinatanaw ang maganda at misteryosong Bundok Banahaw.
Ang Puente de Malagonlong ay itinayo noong 1840 sa pangunguna ng Ministro del Pueblo na si Padre Antonio Mattheos, isang Franciscano, at natapos noong 1850 sa panahon ni Gobernadorcillo Don Julian S. Francisco.
Ang tulay na may habàng 135 hanggang 140 metro ay itinuturing na pinakamahaba sa mga tulay na itinayo sa panahon ng mga Kastila.
Sa panayam ng Opinyon Quezonin kay John Valdeavilla, Pangulo ng Tuklas Tayabas Historical Society, nilinaw niya na ang Tulay ng Malagonlong ay hindi pinakahabang tulay na naitayo sa ilalim ng pananakop ng mga Espanyol.
“Maling sabihin na ang Tulay Malagonlong ang pinakamahabang tulay na ginawa sa panahon ng mga Kastila sa bansa.Ang mahabang tulay talaga na nagawa ay ang Puente de Grande sa Maynila ngunit nasira ito noong 1914,” paliwanag ni Valdeavilla.
“Ang Tulay ng Alitao sa Tayabas ay mahaba rin pero nasira naman ito dahil sa World War II, kaya ang Tulay ng Malagonlong na lang ang natira,” dagdag pa ni Valdeavilla.
Ang Tulay ng Malagonlong ay ideneklara bilang National Cultural Treasure noong Agosto 12, 2011, kasama ang iba pang tulay sa Tayabas.
Para ma-protektahan ang tulay, gumawa ang pamahalaan ng bagong modernong tulay malapit sa lumang tulay ng Malagonlong na ikinasira naman ng panoramic view ng lumang tulay.
Tags: #OpinYonQuezonin, #TayabasCity, #MalagonlongBridge, #culturalheritage, tourism