Tulak ng marijuana, timbog
Arrest

Tulak ng marijuana, timbog

Mar 12, 2026, 6:47 AM
Sol Luzano

Sol Luzano

Writer

LUCENA CITY, Quezon – Arestado ang isang lalaking hinihinalang sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya nitong Lunes ng gabi, March 2, sa Purok Baybayin 1, Barangay Ibabang Dupay sa lungsod na ito.

Batay sa ulat ng Quezon Police Provincial Office, bandang alas-11:30 ng gabi nang ikasa ng Quezon Provincial Drug Enforcement Unit, katuwang ang mga operatiba ng Lucena City Police Station, ang operasyon laban sa suspek na kinilalang si alyas “Bong.”


Sa naturang operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang 30 piraso ng vacuum-sealed plastic bags na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may kabuuang timbang na tinatayang 634 gramo.


Ayon sa pulisya, umaabot sa mahigit P76,000 ang standard drug price value ng nasabing mga ebidensya. Narekober din ang isang 500-pisong buy-bust money, isang backpack, at isang kulay orange na Rusi Sparkle 125 na motorsiklong walang plaka.


Sa pahayag ni P/Col. Romulo Albacea, Director ng Quezon Police Provincial Office, pinuri nito ang mabilis at koordinadong aksyon ng mga operatiba na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.


Kasalukuyang nakadetine ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanya.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.