Hindi na muling mahihirapan pa ang mga residente ng Laguna at Quezon provinces na mag-commute sa pagitan ng dalawang lalawigan.
Ito'y matapos maibalik noong October 21 ang interprovincial route ng Philippine National Railways (PNR) mula Calamba City, Laguna papuntang Lucena City, Quezon at pabalik.
Sa ngayon ay mayroong isang daily one-way trip mula Lucena City papuntang Calamba City sa ganap na 5:00 ng umaga, habang naka-schedule naman sa 5:45 ng hapon ang biyahe ng tren mula Calamba City pabalik ng Lucena City.
Tatagos ang naturang biyahe sa mga sumusunod na istasyon: Lucena, Sariaya, Lutucan, Candelaria, Tiaong (Lalig), San Pablo, IRRI, College, Los Baños, Masili, Pansol at Calamba.
Matatandaang pansamantalang itinigil ang naturang interprovincial route ng PNR upang bigyang-daan ang pagsasaayos sa mga riles at tulay sa nasabing ruta nitong nakaraang buwan, matapos ang ilang araw na tuluy-tuloy na pag-uulan sa lalawigan ng Laguna.
Ayon pa sa PNR, tuluy-tuloy ang isinasagawang pag-aayos ng PNR Southern Line upang maibalik sa lalong madaling panahon ang biyahe ng mga tren mula Calamba City papuntang Legazpi City, Albay.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #PNR