Trabahante, nabagsakan ng metal hook
Death

Trabahante, nabagsakan ng metal hook

Aug 12, 2025, 5:34 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Dead on the spot ang isang construction worker matapos mabagsakan ng metal hook sa isang construction site sa San Pedro City, Laguna nitong nakaraang Miyerkules, August 6.

Kinilala ng San Pedro City Police ang biktima na si alyas "Billyboy," nasa hustong gulang, tubong Catanduanes at kasalukuyang naninirahan sa Caloocan City.

Naganap ang nasabing insidente bandang alas-kwatro ng umaga ng Miyerkules sa harap ng isang ginagawang kainan na katabi ng Pacita Commercial Complex sa National Highway, Barangay Nueva, San Pedro City, Laguna.

Ayon sa paunang ulat ng mga awtoridad, inaayos umano ng biktima ang lifting belt ng isang crane na maglalagay sana ng signage ng kainan sa isang poste sa harapan nito.

Ngunit sa kalagitnaan ng operasyon, naputol ang isang kable na nag-uugnay sa isang mabigat na metal hook na nakakabit sa crane.

Bumagsak ang hook sa ulo ng biktima, dahilan ng kanyang agarang kamatayan.

Naipagbigay-alam na sa mga kaanak ng biktima ang nangyari sa kanya, habang nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.

(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)


#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.