Dalawang lalaki na nagnakaw umano ng panabong na manok ang naaresto matapos maiwan nila ang kanilang cellphone sa Lucban, Quezon kamakailan.
Kinilala ng Lucban Municipal Police Station ang dalawang suspek na sina alyas "Mark," 26 anyos at residente ng Barangay Tinamnan, Lucban, Quezon; at alyas "Christopher," 31 anyos at residente ng Barangay Palola, Lucban, Quezon.
Inaresto ang dalawa matapos silang ireklamo ng biktima na kinilalang si alyas "Arnel," 49 anyos at may-ari ng isang mini game farm sa Barangay Tinamnan.
Batay sa imbestigasyon, pinutol umano ng mga suspek ang net na nagsisilbing perimeter fence ng mini farm upang makapasok sa loob.
Dalawang Boston Sweeter fighting cocks na nagkakahalaga ng ₱10,000 bawat isa ang umano'y tinangay ng mga suspek.
Ngunit hindi alam ng mga suspek ay naiwan nila ang isa sa kanilang mga cellphone sa loob ng farm, na nagamit ng pulisya upang matukoy at matunton ang mga salarin.
Inaalam na ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang mga suspek sa iba pang mga insidente ng nakawan sa mga kalapit na barangay sa Lucban.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

