Caught in the act ang isa umanong magnanakaw ng kable ng kuryente sa isang resort sa Calamba City, Laguna nitong nakaraang Huwebes, October 17.
Nahuli ng mga tauhan ng resort ang suspek na kinilala bilang si alyas "Raymond," 38 anyos at residente ng Barangay Tuntungin Putho, Los Baños, Laguna.
Sa ulat ng Calamba City Police Station, bandang hatinggabi ng October 17 nang napansin ng security guard ng isang resort sa Barangay Pansol na biglang namatay ang mga ilaw malapit sa perimeter fence ng nasabing establisyimento.
Kaagad niyang ipinagbigay-alam ang insidente sa electrical department ng nasabing resort, kaya’t may electrician na nagpunta sa generator area upang tingnan ang problema.
Pagdating nila sa generator area ay nabisto nila si "Raymond" na nagpuputol ng high-tension wires gamit ang isang liyabe-tubo.
Nagtangka pang tumakas ang suspek ngunit kaagad siyang nahuli at dinala sa Calamba City Police Station.
Narekober mula sa suspek ang liyabe-tubo at isang high-tension wire na aabot sa pitong talampakan ang haba at nagkakahalaga ng P77,000.
Nakadetine na si "Raymond" sa Calamba City Police Station habang inihahanda na ang kasong robbery laban sa kanya.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews