Caught in the act ang dalawang suspek na nagnanakaw umano ng kable ng telepono sa San Pedro City, Laguna nitong nakaraang Sabado, July 20.
Ayon sa ulat ng San Pedro City Police Station, nagroronda sa kahabaan ng Acacia Street sa Barangay Calendola ang mga tauhan nila bandang alas-tres ng umaga ng Sabado nang maaktuhan nila ang mga suspek na kinilala lamang sa mga alyas na "Aldrin" at "Jeremiah" na nagpuputol ng kable ng telepono sa harap ng isang grocery store.
Nabawi mula sa mga suspek ang aabot sa 20 metro ng copper cable na may katumbas na halaga na P40,000 at isang metal hacksaw.
Ayon sa mga telecommunications company, bukod sa nakasisira sa koneksyon ng kanilang mga consumer ang pagnanakaw ng mga kable ay lubha rin itong delikado dahil posibleng makuryente ang mga sangkot dito.
Nakadetine na sa San Pedro City Police Station ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong theft.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews