Tinig sa Likod ng Manibela
Protest

Tinig sa Likod ng Manibela

Apr 15, 2026, 2:15 AM
Annadel Gob

Annadel Gob

Writer

Sa bawat kilometro ng biyahe, may kuwento ng sakripisyo.

“Minsan, napapaisip na lang ako... sapat pa ba ang ating pinaghirapan para sa pamilya," wika ni Leonard habang minamaneho ang kanyang jeepney na biyaheng Gulang-gulang, Lucena.


Ito ang unang linya na narinig ko mula kay Kuya Leonard habang nakasakay ako sa kanyang lumang jeepney.


Habang abala siya sa paghawak ng manibela at pagbabantay sa daan, ramdam ko ang bigat ng kanyang tinig—isang tinig na sumasalamin sa libo-libong drayber sa buong bansa.


Habang umaandar ang sasakyan, parang kasabay din nito ang paghakbang nila sa hirap at ginhawa.


Iyong madarama ang pait sa kanyang tinig, na dati ay nakakaraos ngunit sa hirap ng buhay, paghihigpit ng sinturon ang naging sagot.


"Ma'am, alam mo naman siguro kung gaano kamahal ang gasolina ngayon. Halos kalahati ng kita namin, napupunta na lang sa gas. Maghihintay ka ng pasahero, pero pagdating sa computation, 'yun nga... sapat lang pambili ulit ng langis," wika niya habang tuloy sa pagmamaneho.


Masakit isipin na kahit anong sipag at tiyaga, parang laging nauubos bago pa man makauwi.


Ang taas ng presyo ng petrolyo ang itinuturing nilang pinakamalaking kalaban araw-araw.


Binanggit din niya ang tungkol sa tulong o ayuda na galing sa gobyerno.

"Salamat naman po at may naibibigay na ayuda. Pero aminin na natin, pangmadalian lang 'yan at madaling maubos. Isang bagsak lang o isang gastos, wala na. Hindi ito sapat na solusyon sa pangmatagalan," pahayag niya na may kaunting ngiti sa kanyang mukha.


Dagdag pa niya, marami pang ibang gastusin—pamasahe, pagkain, at gamot ng pamilya. Kaya kahit may ayuda, parang patak lang ito sa tubig kumpara sa laki ng pangangailangan.


"Ang hiling lang naman namin sa gobyerno ay ibaba ang presyo ng gasolina. 'Yan lang ang kailangan naming gawin nila," ito ang pinakasimple at pinakadirektang hiling ni Kuya Leaonard at ng marami pang driver.


Paliwanag niya, kapag bumaba ang presyo ng langis, hindi tataas ang pamasahe at hindi rin tataas ang presyo ng bilihin. Dahil kapag mura ang transportasyon, bababa rin ang gastos sa pagdadala ng mga produkto at magkakasya naman ang kinikita namin para sa pamilya.


"Kung mura ang gasolina, hindi na namin kailangan humingi ng madalas na ayuda. Kaya na naming tumayo sa sarili naming paa basta makatarungan ang presyo," diin niya.


Bukod sa mahal na gasolina at kulang na ayuda, damang-dama rin nila ang ibang suliranin tulad ng lumang sasakyan, trapik, at init ng panahon. Pero kahit ganu’n, ngumiti lang siya.


"Sanay na kami. Ito ang trabaho namin. Pero sana... sana lang ay maramdaman din namin na may karamay kami," malalim na hugot niya.


Sa huli, napagtanto ko na si Kuya Leonard ay hindi lang basta drayber. Siya ay ama, asawa, at haligi ng tahanan.


"Kahit mahirap, kailangan magtuloy. Para sa mga anak, para sa pamilya," sabi niya bago ako ibaba," wika niya na punong-puno ng pag-asa ang tinig.


Habang tumatakbo ang jeep, dala-dala ko ang kuwento niya—isang kuwento ng pagod, ngunit puno ng katatagan at pag-asa.


Sana ay marinig ng mga nasa gobyerno ang kanilang tinig. Sana'y mapagaan man lang ang kanilang pasanin.


Dahil sa huli, kung sila ay nahihirapan, ramdam din nating lahat.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.