TESDA, handang tumulong sa OFWs
TESDA

TESDA, handang tumulong sa OFWs

Mar 30, 2026, 1:22 AM
Catherine Go

Catherine Go

Writer/Photographer

Handa ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na tulungan ang mga overseas Filipino worker (OFW) na maaapektuhan ng nagpapatuloy na digmaan sa Gitnang Silangan.

Ito ang tiniyak ng mga opisyal ng TESDA sa isinagawang press conference para sa 'Kayang-Kaya Sumakses' program nito sa Biñan City, Laguna noong March 24.


Ayon kay TESDA Deputy Director General for Administration and Innovation Galo Glino III, patuloy ang pakikipag-ugnayan na sila sa Department of Migrant Workers (DMW) upang mabigyan ng training ang mga OFWs na napipilitang umuwi dahil na rin sa tensyon sa Iran sa nakalipas na mga linggo.


"Nagbibigay po tayo ng training vouchers na makakatulong, magagamit po ng mga OFWs na mag-enroll sa training. Sila din po ang may choice kung ano pong training ang gusto nila," pahayag ni Glino.


Bukod dito, tinutulungan rin ng TESDA ang mga OFW sa pamamagitan ng Overseas Assessment Program (ASP).


Sa ilalim ng ASP, mismong mga tauhan na TESDA na ang pumupunta sa ibang bansa upang maghatid ng training at assessment sa mga OFW.


"In fact po, meron po tayong nakaschedule na overseas assessment program sa Malaysia ngayong April," ayon kay Glino.


Gayunpaman, pinag-iisipan pa rin ng TESDA kung itutuloy nila ang mga naka-schedule na deployment sa Gitnang Silangan dahil na rin sa nagpapatuloy na digmaan doon.


Kamakailan ay 343 na mga OFW ang nakauwi na sa bansa sa ikaapat na charter flight ng DMW mula Saudi Arabia, habang naghahanda na ang ahensya sa ika-lima at ika-anim na charter flight para maiuwi ang mga OFW na gusto nang magpa-repatriate dahil sa tensyon sa rehiyon.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.