Teacher, may you go out?
Education

Teacher, may you go out?

Feb 11, 2025, 3:52 AM
Jai Duena

Jai Duena

Writer

Isa na raw “English-speaking campus” ang Pamantasan ng Cabuyao (oops! University of Cabuyao na pala) sa Cabuyao City, Laguna.

Ito ay matapos magpatupad ang pamunuan ng nasabing paaralan sa pangunguna ni PNC President Librado Dimaunahan ng “English Only Policy” sa buong campus nito, ayon sa abiso na inilabas sa Facebook noong February 3.

Ang naturang polisiya raw ay may layuning mag-develop ng “globally competitive and world class students.”

Mabilis na ginawang katatawanan sa social media ang kalokohang ito. Marami ang nagbiro ng mga pamali-maling english at conyo na mga usapan.

Binatikos rin ito ng mga academic at scholars at sinabing walang kinalaman ang “pretentiousness” na ito sa pagiging globally competitive at sa katunayan pa nga ay paurong na kaisipan ang isinusulong ng pamantasan.

Incompetence at power-tripping

Pero lingid sa kaalaman ng marami, hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot sa kahihiyan ang mga administrador ng PNC.

Noong June 2023 ay nag-trending din ang naturang pamantasan dahil sa umano’y “power tripping” ng administrasyon sa pangunguna ng noo’y pangulo ng unibersidad na si Dr. Charlemagne Laviña.


Ang isyu: hinarang ng administrasyon ng PNC ang graduation ng dalawang mag-aaral dahil umano sa pag-manage ng mga ito ng Facebook page na “PNC Secret Files,” na nagsisilbing platform ng mga mag-aaral para magsalita laban sa mga nakikita nilang pang-aabuso at korapsyon.

Ilan sa mga hinaing ng mga mag-aaral na idinulog sa nasabing Facebook page ay pahirapang scholarship program, palpak na facilities, at mismanagement sa budget.

Ang tugon umano dito ng administrasyon ay ang manakot at tanggalan ng scholarship ang mga kabataan.

“Marami nang estudyante ang naglabas ng hinaing at pagkadismaya sa mga kamalian na nangyayari ngunit sa halip na pakinggan at unawain ito ni (PNC President Charlemagne) Laviña at ang buong administrasyon ng PNC ay patuloy ito na nagbibingi-bingihan at sinasagasaan ang demokratikong karapatan ng bawat mag-aaral.” pahayag ng Anakbayan Laguna.

Siyempre, nang mag-trending sa social media, naglabas ang Board of Regents ng PNC ng resolusyon para maka-graduate ang dalawa.

“Ensuring equal opportunities for all graduating students while upholding academic integrity and the institution’s standards” daw ang dahilan ng resolusyon.

Hindi ba pressure mula sa nag-iinit na publiko at batikos ng mga netizen?

Ibang krisis naman

Balik sa mga spokening dollar sa PNC, burado na ngayon ang kanilang announcement pero huli na ang lahat!

Sikat na naman ang PNC dahil sa mga bulok at di makausad nitong kaisipan.

Pero okay lang yan para sa PNC dahil tulad ng lahat ng sumisikat sa social media, lilipas din ang isyu at babalik sa normal ang lahat.

Ngayon na matunog sa mga balita ang education crisis sa bansa ayon na rin sa report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na mahirap unawain ng masa, isang mas simpleng halimbawa ang ibinigay sa atin ng PNC: Incompetence at power tripping.

Bilang isa ring mag-aaral, palagay ko ay hindi suntok sa buwan na sabihing hindi lang sa PNC nilamon ng kabulukan ng pag-iisip at ugali ang mga guro at administrador na dapat sana ay mabubuting halimbawa.

Nito lang disyembre, binatikos ng kilalang manunulat na si Jerry B. Gracio (na binatikos rin ang PNC) ang Pamantasan ng Valenzuela dahil umano sa mga ‘repressive policies’ nito at red tagging.

Sa Bestlink College naman na ipinagmamalaki ang kanilang affordable education, nag-protesta ang mga mag-aaral sa expensive at frequent mandatory field trips ng kolehiyo.

Ilan lang to sa mga halimbawa na nabigyan ng atensyon salamat sa mga matatapang na kabataang tumitindig at nagsasalita.

Subalit marami pang ganitong klaseng pang-aabuso mula sa mga opisyal ng mga paaralan hanggang sa mga guro ang nagaganap ng tahimik dahil sa kawalan ng proteksyon sa mga mag-aaral.

Kaya isang panawagan sa ating gobyerno, wag puro learning, learning, learning... Sana protection din.

Sabihin nang mahirap gawin, subalit napakasimple ng solusyon, tanggalin ang mga incompetent na nga, abusado pa.

Pero sino ba ako para pakinggan? Estudyante lang ako, kayo ang gobyerno.

But to the incompetent and abusive teachers out there: Teacher, May You Go Out?

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #PamantasanngCabuyao


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.