Sa init ng panahon ngayon, maraming mga Lagunense at maging mga turista ang nae-engganyong magpunta sa iba't ibang mga liblib na ilog at talon sa ating lalawigan.
Bukod sa mga sikat na "Hidden Valley" sa Calauan at Pagsanjan Falls (na sa katunayan ay matatagpuan sa bayan ng Cavinti), nariyan ang Taytay Falls sa bayan ng Majayjay na ngayon ay paborito nang puntahan, lalo na tuwing weekends.
Ngunit gaganahan ka bang maligo dito kung makikita mo na tila dinumog na na parang pares ni Diwata ang naturang atraksyon?
May mga netizen na nag-alangan nang magpunta sa Taytay Falls dahil sa mga larawan at video na ipinost sa social media kung saan makikita ang tila sobrang dami ng tao sa naturang talon.
Bukod kasi sa napakagandang tanawin at malamig na tubig ay mura lang ang entrance fee: P50, plus P20 na parking fee.
"Literal na tao na may kaunting tubig" ang naging deskripsyon ng blog na The A Family PH sa naturang senaryo sa Taytay Falls.
"Hindi naman masama na pagkakitaan ang kalikasan pero sana maging responsible tayo sa pamamahala dito. Madamot man pakinggang pero sana, kung crowded na ang lugar ay pwede naman sigurong pagbawalan ng pumasok ang ibang mga magpupunta o di kaya mag set lang number of guests na pwedeng makapasok sa bawat araw," ayon sa may-ari ng naturang blog.
Bukod sa nakasisira sa "aesthetics" o ganda ng naturang lugar, nariyan din ang posibilidad na sa sobrang dami ng tao ay magdulot pa ito ng polusyon sa lugar lalo na't hindi na rin makontrol ang pagtatapon ng basura ng mga dumarayo.
#WeTakeAStand #OpinYon #