“Mapanlinlang.”
Ito ang naging bwelta ni Quezon Governor Angelina "Doktora Helen" Tan sa caption sa isang ulat ng Bilyonaryo News Channel na nagpapahiwatig umano na “ghost health center” ang Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Tayabas City, Quezon.
Ayon sa opisyal na pahayag ni Tan na pinost sa social media, ang paggamit ng kanyang larawan kasabay ng caption na “Ghost Health Center? P480-M Pondo: Health Facility ni Quezon Gov. Helen Tan, 3 Taon na Hindi Pa Rin Buo” ay malinaw na nagpapalaganap ng maling impormasyon at maaaring magdulot ng kalituhan sa publiko.
Nilinaw niya na hindi kailanman ginamit sa aktuwal na news report ang terminong “Ghost Health Center”, at sa katunayan ay binanggit pa mismo sa ulat na may mga naganap na aktibidad sa konstruksiyon ng ospital.
Giit niya, patuloy ang konstruksyon ng nasabing ospital na nakatayo sa ilalim ng Republic Act 11702 at pinopondohan ng national agencies gaya ng Department of Health (DOH) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Wala rin umanong anumang kaugnayan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa usapin ng pondo at konstruksyon ng ospital.
Specialty hospital
Bilang may-akda ng batas para sa pagtatatag ng naturang ospital, tiniyak ni Gov. Tan ang kanyang aktibong pakikipag-ugnayan sa national government upang mapabilis ang pagbibigay ng pondo at mapabuti ang serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.
Matatandaang pinirmahan bilang ganap na batas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatatag ng nasabing ospital sa bisa ng RA 11702 noong Abril 2022.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang naturang specialty hospital ay isasailalim sa direktang kontrol at pangangasiwa ng DOH at ituturing na isang “apex hospital” sa buong Calabarzon region na magbibigay ng specialized healthcare services.
Sa sandaling matapos ang naturang ospital, magsisilbi itong unang ospital para sa iba't ibang uri ng sakit sa Southern Tagalog at isa sa mga apex na ospital o end-referral hospital sa lugar.
Hindi na magsisiksikan ang maraming pasyente sa Kamaynilaan upang magpagamot at higit na mabibigyan ng kagyat na atensyong medikal ang mga may karamdaman sa Southern Tagalog na siyang nakikita ngayon na may pinakamataas na bilang ng populasyon sa buong bansa.
Sinabi ni Tan noong 2022 na noon ay 4th District Representative pa, na bukod sa Southern Tagalog region, makikinabang din ang mga pasyente sa Bicol at Metro Manila sa nasabing ospital.
Kalayaan upang makapanira?
Dagdag pa ng gobernador, bagama’t kinikilala niya ang press freedom at ang kalayaan sa pamamahayag, hindi dapat itong gamitin upang malinlang ang publiko at sirain ang tiwala ng mga mamamayan sa pamamagitan ng hindi makatotohanang ulat at caption.
Hinimok din ni Tan ang publiko na maging mapanuri at tiyakin na tama at beripikado ang impormasyong pinaniniwalaan mula sa mga lehitimong tagabalita.
Binigyang-diin din ni Governor Tan na ang paggamit lamang ng quotation mark at question mark sa caption ay hindi dapat gamiting proteksyon sa pagpapakalat ng mapanlinlang na impormasyon na maaaring makasira sa dignidad ng isang tao o institusyon.
Kapansin-pansin namang hindi na lumitaw ang nasabing ulat sa website ng Bilyonaryo.com , o sa social media sites ng Bilyonaryo News Channel.
(Karagdagang ulat mula kay Ace Fernandez at James Veloso)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #CoverStory

