Ipinakita ng mga estudyante mula sa iba't ibang paaralan sa Biñan City, Laguna ang kanilang angking talento sa pag-arte sa katatapos na Dulambayan: 7th Biñan Theatre Arts Festival.
Sa awards night na ginanap noong February 28 sa Plaza Rizal, kinilala ng Biñan City Culture, History, Arts and Tourism Office (BCHATO) at Biñan Youth Performance Council (YPC) ang mga theater group mula sa iba't ibang paaralan mula sa lungsod na nagpamalas ng kahusayan sa dulaan.
Itinanghal na "Best Production" ang "Sabina" na inihandog ng Tanghalang Michaelean (Saint Michael's College of Laguna).
Sa nasabing dula na isinulat ng makatang Ilokano na si Severino Montano, inilarawan ang mga tensyon na lumitaw sa isang pamilya na unti-unting nalantad sa gitna ng pagluluksa sa pagpanaw ng isang ina.
Humakot rin ng parangal ang nasabing produksyon na nagkamit ng Best Director Award (Marlou Navia), Best Actor Award (Kurt Dennis Ortega at Nicolas Emanuel Santos), Best Production Design, Best Graphic Design at Box Office Award.
Sumunod naman sa nakakuha ng pinakamaraming parangal ang produksyon ng "Isang Buhay sa Tambakan" ni National Artist Rolando Tinio, na handog ng Teatro Lasalyano (De La Salle University - Laguna Campus).
Ang nasabing dula ay isang satirikal na "comedy of manners" tungkol sa isang grupo ng mga "alta sociedad" na nabubuhay sa isang maruming tambakan ng basura.
Tumanggap ang nasabing produksyon ng Best Actress Award (Annamika Kaquilala), Best Supporting Actor Award (Noah Rey), at Best Technical Award.
Nagkamit naman ng Best Supporting Actress si Charlene Anne Dimaano na gumanap sa dulang "Bitay" ni Wilfrido Ma. Guerrero, na inihandog naman ng Perpetual Theater Collective ng University of Perpetual Help System - Laguna.
Ang Biñan Theatre Arts Festival ay bahagi ng mga aktibidad na inihanda ng BCHATO bilang pagdiriwang ng National Arts Month noong buwan ng Pebrero.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

