CATANAUAN, Quezon - Ang bayang ito na matatagpuan sa Bondoc Peninsula sa lalawigan ng Quezon ay kilala dahil sa mga putaheng beef tapa at uraro.
Pero para sa magsasaka at local entrepreneur na si Sonny Roda, Jr., malaki ang potensiyal ng bayang ito para sa industriya ng cacao at tsokolate.
Ayon sa 34-anyos na negosyante, taong 2012 nang magsimula siyang bumili ng buto ng cacao na siya namang ginagamit nila sa paggawa ng tsokolateng tableya.
“Malimit kasing dapuan ng sakit at peste ang aming taniman ng lakatan na saging. Kaya bilang alternative na pagkakakitaan, paggawa ng tablea mula sa cacao ang naisip naming mag-asawa, at dito nabuo ang aming produktong April’s Tableya, ” pahayag ni Sonny sa Opinyon Quezonin.
Aniya, tulong na rin ito sa kanilang mga kabarangay na nasasayang o nabubulok lang ang cacao seeds dahil maliit lang ang market nito.
Dagdag pa niya, mahalaga na magtulungan ang lahat upang pare-pareho silang may pagkakakitaan.
Kalidad ng buto ng cacao
Malaki ang kinalaman ng kalidad ng buto ng cacao upang madali itong maibenta, kwento ni Sonny.
“Maingat naming pinipili ang mga buto ng cacao,” aniya.
"Kapag maganda ng quality ng pagkatuyo ng buto binibili namin. Pero kung natuyo at may mga insekto,hindi namin binibili. Malaki kasi ang epekto nito sa lasa at kalidad ng tableya."
Ang mga nagawa nilang tsokolateng tableya ay ibinebentra nila online at made to order upang gawing pasalubong sa USA at Middle East.
“Awa ng Diyos, ang mga costumer namin ay binabalik-balikan ang aming tsokolate. Ang tubo mula dito ay gastusin ng aming pamilya,” sabi ni Sonny.
Tulong ng pamahalaan
Natutunan lang ng mag-asawa ang paggawa ng tsokolate sa pamamagitan ng sariling research at actual application.
“Maganda sana kung ang lokal na pamahalaan ay magbibigay ng training at education para mapunan ang kakulangan sa buto at hindi masayang ang ibang buto,” ani Sonny.
Ayon sa kaniya, marami sa mga magsasaka ng cacao ay nabibigyan ng libreng buto mula sa Agricultural Office ngunit kulang ang kaalaman ng mga ito pagdating sa pagtatanim ng cacao kaya nasasayang ang mga butong naipamahagi.
Positibo naman si Sonny na matutulungan sila ng mga ahensya ng pamahalaan lalo na ang pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Quezon Governor "Doktora" Helen Tan.
Matatandaan na isa sa mga adbokasiya ng Gobernadora ang matulungan ang mga cacao farmer sa lalawigan ng Quezon.
Ayon naman sa pahayag ni Me-An Balmes, Regional Focal Person for Cacao ng Department of Agriculture (DA) Calabarzon, maaaring makipag-ugnayan ang mga cacao farmers sa Municipal Agriculture Office (MAO) at Cacao Farmers Association upang matulungan silang mai-consolidate at maibenta ang mga naiprosesong cacao.
Nariyan ang Cacao Growers Association of Lopez, Kakao Integrated Development for Livelihood and Transformation (KIDLAT) at Samahan sa Industriya ng Cacao na Pangkabuhayan (SICAP Coop).
“Angsuporta po kasi ng kagawaran ay pagbibigay ng processing facility and equipment para sa mga association na may existing product at malakihang produksyon ng cacao,” pahayag ni Balmes.
Samantala, maaarin namang mag-request ng training ang mga cacao farmer sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office (MAO) upang mailapit sila sa sangay ng pamahalaan na nagbibigay ng kasanayan sa cacao processing.
(Anna Gob/Larawan mula kay Sonny Roda)