Taas-sahod para sa mga kasambahay, pinag-uusapan na
OpinYon Laguna

Taas-sahod para sa mga kasambahay, pinag-uusapan na

Jan 20, 2025, 2:45 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Sinimulan nang talakayin ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) Calabarzon ang posibilidad ng pagtataas sa mga sahod ng mga kasambahay sa buong Calabarzon region.

Ito ay sa gitna ng pagbilis ng inflation rate, o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, na naitala sa 2.9 porsiyento noong December 2024

Isang konsultasyon ang isinagawa ng RTWPB Calabarzon nitong nakaraang January 10 sa Antipolo City, Rizal upang hingin ang pananaw ng iba’t ibang mga stakeholder, partikular na ang mga employer, sa usapin ng pagtataas ng sahod ng mga kasambahay.

“Napakahalaga po ng public consultation para marinig ang saloobin ng mga kasambahay at employers to determine kung dapat at panahon na ba talaga para itaas ang minimum wage for domestic workers in Region 4A,” ayon kay Atty. Katrina Galang-Bayani, ng RTWPB Calabarzon.

“Whatever rates the wage board releases with respect to the minimum wage will take all factors into consideration. We will hear both sides—household workers and employers—and we will also assess the regional economic situation,” dagdag pa niya.

Sa nasabing pagdinig ay pinangunahan ni Riza Estrella, secretary-general ng United Domestic Workers of the Philippines, ang apela upang taasan hanggang P8,000 ang buwanang sahod ng mga kasambahay.

“Napaka-importante na magkaroon na ng pagtaas sa sahod ng mga kasambahay nationwide para pantustos sa pang-araw araw na buhay, dahil hindi na po sumasapat ang kasalukuyang sahod na P6,500 sa dami ng pangangailangan,” aniya.

Hiniling rin ng ibang mga kasambahay na dagdagan pa ang mga benepisyong nakukuha nila, partikular na ang healthcare coverage.

“Sana po ay mabigyan din kami ng social benefits nang sa gayon po ay mayroon po kaming benepisyong makukuha sa aming pagtanda,” pahayag ni Vivian Posadas, isang kasambahay.

Huling itinaas ang buwanang sahod ng mga kasambahay sa P6,000 nitong nakaraang February 2024.

Nakatakda ang susunod na pagdinig ng RTWPB ukol sa naturang isyu sa January 24 sa Bacoor City, Cavite.

Ulat mula sa Philippine Information Agency

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #PTWPB


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.