Sa kasaysayan ng Quezon, malaking pinsala ng pagbaha ang dinanas ng iba't ibang bayan dito. Gayunpaman, mayroong bulubundukin na nagpoprotekta lugar: ang Sierra Madre. Ito ang pinakamahabang mountain ranges sa bansa na nagsisilbing natural shield sa mga pamayanan kung may bagyo at pagbaha mula sa Pacific Ocean. Sa maraming pagkakataon, isinalba ng Sierra Madre ang buhay ng mga tao habang ito ay nagiging tahanan naman ng mga flora at fauna na nakakatulong sa biodiversity at kalikasan. Tahanan din ito ng mga katutubong Dumagat-Remontado na minana pa nila sa kanilang mga ninuno. Karapatan ng mga tao at ng kalikasan na tutulan ang masasagasaan ng proyektong Kaliwa Dam na maaring magdulot ng matinding pagbaha kasama na ang iba pang mga bayan kung sakaling matuloy ito. Hindi ba mas dapat na ituon ng pamahalaan ang focus sa mas matibay na sustainable solution?
Nagsimula noong Pebrero 15 ang siyam na araw na paglalakad ng humigit-kumulang 300 katutubong Dumagat-Remontado mula sa mga lalawigan ng Quezon at Rizal hanggang sa Malacañang bilang protesta sa Kaliwa Dam Project sa Sierra Madre mountain range.
Ang mahigit na isang daang kilometrong “Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam” ay bilang mapayapang protesta na nagtapos noong Pebrero 23 at isinagawa ng Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA) na binubuo ng mga grupo ng mga magsasaka, mangingisda at makakalikasan.
Ayon kay Vice Mayor Lord Allan Ruanto ng Infanta, ang tanging nais ng mga ito ay makipagdialogo upang maiparating ang kanilang hinaing ukol sa magiging epekto ng proyekto.
“Ang hangad natin ay gobyernong tapat, sumusunod sa batas, dahil nasa Protected Area ang proyekto, walang totoong endorsement ang mga Local Government Units (LGUs) na dapat idinaan sa Sanggunian, at hindi malinaw na proseso ng pagsecure ng Free, Prior and Informed Consent mula sa hanay ng mga katutubo. Kalinawan at katotohanan po ay ating karapatan…Ito po ang esensya n gating demokrasya. Ang malayang ipahayag ang ating saloobin,” ani Ruanto.
Hindi Ipinagdadamot
Ayon pa sa mga residente ng maaapektuhang lugar, tulad ng bayan ng Infanta, hindi ipinagdadamot ang tubig para gamitin sa Metro Manila ngunit kailangan ng ibang alternatibo na hindi makakaapekto sa kalikasan at sa mga ancestral land ng mga katutubo.
Ilan sa mga rekomendasyon ng grupo ay ang pagsasaayos ng mga concessionaires ng mga tagas (leak) sa mga tubo sa mga matatagal ng pipe. Maaari rin anilang buhayin ang mga existing water sources structure, irehabilitate kagaya ng sa Wawa Dam ng Rizal. Dapat ring pag-aralan ang mga alternative water sources gaya ng Japanese Intake Weir Proposal na maaaring tapatan ang maibibigay ng proposed Kaliwa Dam Project at hindi makakapagdulot ng malaking pagkasira sa kalikasan at hindi singlaking pondo ang kakailanganin dito.
Sa panawagan ni Ruanto sa kanyang Facebook page, binanggit nito na maraming maaaring paraan na hindi makakasagasa sa karapatan ng mga lubos na maaapektuhan. Isaalang-alang pa ang pagiging protected area ng matatamaan ng Kaliwa Dam Project.
Legal Processes
Isang petisyon sa kasalukuyan ang naghihintay ng ilan pang lagda sa online platform na change.org upang maipaabot sa Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa Senado, sa Kongreso, at sa Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagtutol ng mga mamamayan sa proyektong Kaliwa Dam.
Ayon sa petisyon, “The Kaliwa Dam Project violates legal processes and the Philippine Constitution, is destructive to the environment, and is against the country’s national interest.”
Nakasaad dito ang mga sumusunod:
- Maaapektuhan nito ang mga ancestral forests kung saan nakatira ang mga Dumagat-Remontado sa Sierra Madre at maaapektuhan nito ang nasa anim na sacred sites. Karapatan ng mga katutubo ang masasagasaan.
- Masisira nito ang biodiversity at tirahan ng 126 na species sa 300 hektarya ng Sierra Madre. Lulubog ang 291 hektarya ng kagubatan at ang 100,000 residente na malalagay sa panganib ng matinding pagbaha
- Ang proyekto ay mangangailangan ng P10.37B na utang sa China na lalo pang makakapagpahirap sa bansang malaki na ang pagkakautang bukod dito. Kakailanganin itong pagbayaran ng bawat Pilipino, kahit hindi sila direktang apektado.
- Hindi pangmatagalan ang proyekto. Kung matutuloy, mayroon lamang itong 5-6 taong itatagal dahil sa mataas na rate ng sedimentation sa lugar.
- Kung matuloy ito, magkakaroon ng karapatan ang bansang Tsina at magagamit nila ang kanilang batas ukol dito. Nanganganib na maipangbayad ng Pilipinas ang lupang sakop nito para sa pagkakautang sa Tsina: “It allows China to settle disputes on the project using their laws on their territory, and may cause our government to surrender Philippine territory to pay off the loan.”
Ang mga ito ay idudulog sa Pangulong Marcos at sa lahat ng mga pinuno ng bansa upang huwag ituloy ang Kaliwa Dam Project.
Ayon pa sa mga nagpepetisyon, dahil sa nagbabagong klima o rapidly changing climate, ay hindi ito ang solusyon sa problema ng krisis sa tubig ng Metro Manila. Sa halip, ito ay nagbabadya ng malalang problema para sa bansa. Alternatibong solusyon umano ang kailangan tulad ng watershed rehabilitation, pagrerepair o pagsasaayos ng mga existing dam at water distribution facilities, at mga polisiya sa water conservation.
Hinihikiyat ng mga nagsusulong ng petisyon na mag-invest ang pamahalaan sa pangmatagalang solusyon na makabubuti para sa lahat.
Apela Sa Suporta
Habang sinusulat ang balitang ito, mayroon ng 201,798 lagda ang petisyong may pamagat na “Stop Kaliwa Dam, Save Our Future” sa change.org . Kung makabuo ito ng 300,000 lagda, magiging isa na ito sa may pinakamaraming lagda sa mga petisyon sa online site na ito.
Matatandaan na nang nagkaroon ng krisis sa tubig ang Kamaynilaan noong 2019, ang proyektong Kaliwa Dam ang solusyon ng mga nagsusulong ng proyekto. Noon pa man ay tutol na ang mga maaapektuhan tulad ng mga katutubo at ang mga residente sa bahaging ito ng lalawigan ng Quezon.
Sa ulat naman ni Jeanelle Abaricia ng Opinyon Quezonin, wala umanong kinalaman ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa isinagawang Alay-Lakad ng ilang katutubo sa lalawigan bilang pagtutol sa Kaliwa Dam Project.
Mga non-government organization (NGO) diumano ang nag-organisa ng naturang pagkilos, ayon kay Vincent Garcia, FPIC team spokesperson ng NCIP-CALABARZON.