Kung pinaghahanap ka, huwag kang pupunta sa lugar kung saan madali kang mahuli.
Ito ang masaklap na aral na natutunan ng isang suspek sa panloloob sa isang bahay sa Biñan City, Laguna noong Linggo, August 2.
Naaresto kasi siya matapos magpagamot ng sugat na kanyang natamo matapos manlaban ang may-ari ng nilooban nilang bahay sa Barangay Malaban.
Ayon sa salaysay ng biktima na itinago sa alyas na "Allan," 51 anyos at residente ng naturang barangay, natutulog umano siya sa loob ng kanyang tahanan bandang madaling-araw ng Linggo nang bigla itong pasukin ng dalawang armadong lalaki.
Tinutukan umano si "Allan" ng baril ng isa sa kanila, ngunit nagpasya siyang pumalag at manlaban sa mga suspek.
Sa gitna ng pakikipambuno niya ng suspek ay aksidenteng pumutok ang baril, dahilan upang masugatan ang suspek sa braso.
Kaagad tumakas ang mga suspek matapos ang insidente, habang mabilis namang iniulat ni "Allan" sa mga awtoridad ang naganap na panloloob.
Kalaunan ay nakatanggap ng ulat ang Biñan City police mula sa isang pribadong ospital sa lungsod tungkol sa isang lalaking isinugod doon na may tama ng bala sa braso.
Kaagad dinakip ang suspek na kinilalang si alyas "Arden," 35 anyos at residente ng Barangay Malaban, Biñan City, Laguna.
Nahaharap ngayon si "Arden" sa kasong attempted murder, kasama ang kanyang kasabwat na hanggang ngayon ay pinaghahanap ng mga awtoridad.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

