Nabulabog ang tahimik na buhay ng mga residente ng isang subdivision sa Biñan City matapos ang isang bomb threat sa nasabing lugar noong Lunes, November 24.
Ayon sa ulat ng Biñan City police station, unang iniulat ng isang senior citizen na kinilala lamang bilang alyas "Celia" ang kahina-hinalang kilos ng dalawang babae sa loob ng isang subdivision sa Barangay Loma bandang alas-dos ng hapon.
Kwento ni alyas "Celia," nakabantay siya sa kanyang tindahan nang biglang tumigil sa harap ng bahay nila ang isang tricycle.
Dalawang babae ang lumabas sa tricycle at naglagay ng isang bag, sabay alis mula sa nasabing lugar.
Nang siyasatin ng mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) at Provincial Explosive Canine Unit (PECU) Laguna ang nasabing bag ay nag-negatibo ito sa anumang pampasabog.
Sa halip, nadiskubreng puro mga damit lang pala ang laman ng bag.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

