Isang attendant ng isang gadgets store ang namatay matapos umanong pagsasaksakin ng mga nanloob sa nasabing tindahan sa Cabuyao City, Laguna nitong Lunes, August 11.
Dead on arrival sa ospital ang biktima na kinilala lamang sa alyas na "Jona," 27 anyos at kasalukuyang naninirahan sa nasabing lungsod.
Batay sa paunang ulat ng Cabuyao City Police Station, pasado alas-nwebe ng umaga ng Lunes nang iulat sa kanilang himpilan ang insidente ng panloloob sa isang gadget store sa Barangay Mamatid.
Ayon sa manager ng naturang tindahan, una umanong tumawag ang biktima sa kanya upang iulat na may mga nawawalang gadgets sa tindahan nang pumasok siya.
Matapos ang ilang minuto ay hindi na makontak ng manager ang biktima, dahilan upang iulat niya sa mga awtoridad ang insidente.
Nang magpunta ang mga barangay tanod sa tindahan ay doon nila nadiskubre ang biktima na nakahandusay sa sahig at may mga saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng mga suspek na kaagad tumakas matapos ang krimen.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews