Alam mo ba ang status ng mandatory benefits mo?
Hanggang ngayon, marami pa ring mga employer at employee ang wala pang kaalaman o awareness sa kanilang mga obligasyon at benepisyo sa ilalim ng Social Security System (SSS).
Ito ang napag-alaman ng mga tauhan ng SSS sa isinagawa nilang pag-iikot sa mga establisyimento sa San Pedro City, Laguna noong Lunes, April 27.
Sinuyod ng mga kawani ng SSS ang iba’t-ibang bahagi ng lungsod upang ipalaganap at paigtingin ang kahalagahan ng SSS sa tulong ng bago nilang inilunsad na coverage drive.
Malaki at puspusan ang naging operasyon ng SSS CAREravan (Care, Assist, Reinforce Employers) dahil sa pinagsanib na pwersa ng Luzon South 1 Division na binubuo ng Laguna, Cavite at Quezon.
Pinangunahan ito ni SSS San Pedro Branch Head Rey Untiveros at dinaluhan ng mga kawani ng ahensya at lokal na pamahalaan, kabilang si San Pedro Business Permits and Licensing Office (BPLO) Head Elsa Santos.
Binisita nila ang ilan sa mga pinakaabalang commercial area sa lungsod gaya ng Plaza Pacita, San Pedro Bayan, Suki Public Market at San Pedro Town Center para alamin kung sinusunod ba ng mga establisimyento ang tungkulin nila sa kanilang mga manggagawa.
Ayon kay SSS Luzon South 1 Division Vice President Engr. Edwin Igharas, higit na mahalaga na maisagawa nila ang naturang coverage drive dahil isang karapatan ng manggagawa ang makakuha ng benepisyo mula sa gobyerno.
“Minabuti ko na sama-sama tayong lahat para maiba, para ipakita natin na sa ating pag sama-sama, mas malawak at mas marami yung ating mapupuntahan na mga business establishments at mga employers,” ayon sa opisyal.
Dagdag niya, hindi lang dahil nais nila magparami ng miyembre kung bakit inilunsad ang nasabing programa.
“Number one, ipalaganap ang importansya ng SSS sa lahat ng manggagawang Pilipino. And number two ay bigyan natin ng access sa Social Security benefits ang lahat ng mga manggagawang Pilipino. At kailangan malaman nila ng mga business establishments na yung kanilang mga employees ay kailangan nilang i-report sa SSS. Paigtingin natin yung ating kampanya.”
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

