Kilalang pinagkukunan ng kabuhayan ang Laguna Lake, kung saan iba’t-ibang mga mangingisda mula sa mga karatig probinsya ang umaasa dito.
Ngunit tuwing sasapit ang tag-ulan, hindi na lang sangkatutak na mga isda ang maaari nitong maibigay.
Higit na alam ito ng mga residente ng mga baybaying barangay sa San Pedro, Biñan, Santa Rosa at Santa Cruz.
Tila naging tipikal na tagpo na para sa kanila ang matinding pagbaha na maaari pang umabot hanggang anim na buwan.
Ang paulit-ulit na sitwasyon na ito ang nais tuldukan ng mga kinatawan mula sa lalawigan ng Laguna.
Sa pagpapatuloy ng Special Committee on Southern Tagalog Development noong Lunes, March 9, ay muling tinalakay ang mga naunang House Resolution na may layuning tugunan ang problema sa Laguna Lake.
Matinding pinagpipilian sa kasalukuyan ay ang mungkahi na makapagtayo ng Parañaque Spillway, o di kaya ay magsawa ng targeted dredging sa lawa.
Dinaluhan nina Biñan City Representative Arman Dimaguila at Santa Rosa City Representative Roy Gonzales ang nasabing pagtitipon upang ipahayag ang kahalagahan na masakatuparan ang mga proyekto.
Pinangunahan naman ito ni Laguna 2nd District Representative Ramil Hernandez bilang chairperson ng komite.
Ayon kay Dimaguila, tila mabagal ang pag-usad ng usapin tungkol sa pagbaha gayong dapat agaran ang pagtugon dito.
“Pinag-uusapan lang natin itong problemang ito kapag tayo ay pag nandiyan na. Pag nire-report ng media na kawawa ang Biñan, Santa Rosa, Muntinlupa, San Pedro, Santa Cruz. Pansinin niyo hindi na siya pinag-uusapan ngayon, kasi wala na pong baha. Natuyo na po eh,” puna ni Dimaguila.
Ano pang paraan?
Minungkahi ni Dimaguila sa mga inimbitahang kawani ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Economny, Planning, and Development of the Philippines (DEPDev), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na maghain ng written support sa mga proyekto ng Parañaque Spillway at targeted dredging.
Ito ay matapos tutulan ng Sangguniang Panlungsod ng Muntinlupa ang ideya na magkaroon ng Parañaque Spillway.
“We could ask the agencies present na gumawa ng position paper on this para naman maging kasama sa ia-attach natin at sabihin natin doon sa mga LGUs na kokontra na: the reason why we are here is sinusuportahan naman tayo ng mga agencies concerned,” aniya.
Sumang-ayon naman si Gonzales sa naging suhestiyon, at hinimok ang komite na imbitahin din ang mga nasabing lokal na kawani upang ipahayag ang kanilang hinaing sa proyekto.
Bagaman hati ang pananaw ng ilan pagdating sa mga minungkahing proyekto, mahalaga pa rin daw na patuloy na inaasikaso ang paghahanap ng solusyon sa naturang suliranin.
Ayon kay Hernandez, unahin munang tiyakin na maipasa ang mga House Resolution dahil kung tutuusin ay matagal nang naantala ang usapin tungkol sa Laguna Lake.
“Ngayon, kung maapektuhan ng pagpapasa ng ating resolusyon, yung mga naririnig natin na objection doon sa ibang ahensya, lalo tayong hindi makakakilos, lalo tayong hindi gagalaw. So be it. Let's cross the bridge when we get there.
“Para sa akin, tapusin natin ang level ng trabaho natin. And kapag ito ay ini-implement na o inuumpisahan na naiproseso ng mga agencies, doon pa lang papasok na itackle yung mga objections.”
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

