Solar LED streetlights sa Infanta, mas pinahusay
In Focus: DPWH

Solar LED streetlights sa Infanta, mas pinahusay

Mas mura kumpara sa DPWH?

Mar 31, 2026, 3:41 AM
Sol Luzano

Sol Luzano

Writer

Patuloy ang pagpapatupad ng pamahalaang bayan ng Infanta, Quezon sa pamumuno ni Mayor L. A. Ruanto sa paglalagay ng mahigit 100 solar LED streetlights sa mga pangunahing kalsada, bilang bahagi ng pagsisikap nito na mapabuti ang kaligtasan at kaunlaran ng komunidad.

Layunin ng proyekto na magbigay-liwanag sa mga lansangan upang mapataas ang seguridad ng mga residente, mapadali ang biyahe ng mga motorista, at mapalakas ang aktibidad sa gabi.


Ayon sa mga opisyal, ang bawat ilaw na naitatayo ay nagdudulot ng dagdag na kapanatagan sa mga mamamayan, lalo na sa mga pamilyang umaasa sa ligtas na pag-uwi ng kanilang mga mahal sa buhay.


Pinondohan ang proyekto mula sa 20-percent na Economic Development Fund ng LGU Infanta, kung saan naitala ang mahigit 50 porsiyentong pagtitipid kumpara sa karaniwang gastusin sa mga katulad na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).


Bukod dito, iginiit ng lokal na pamahalaan na mas mataas ang specifications at kalidad ng mga ilaw na ginamit, na nakakatugon at lumalagpas pa sa umiiral na pamantayan.


Isinagawa rin ang open public bidding na live-streamed upang matiyak ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.


Ayon sa LGU, ang ganitong hakbang ay nagpapakita ng kanilang pangako sa malinis, tapat, at responsableng pamamahala.


Ang natipid na pondo mula sa proyekto ay gagamitin upang mapalawak pa ang paglalagay ng streetlights sa iba pang barangay ng Infanta, bukod sa mga kasalukuyang sakop tulad ng Barangay Dinahican.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.