'Smart communities,' isinusulong
In Focus: TECHNOLOGY

'Smart communities,' isinusulong

May 27, 2024, 6:56 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Isang pamayanang "konektado" sa pamamagitan ng teknolohiya.

Ito ang isinusulong ng Department of Information and Communications Technology - Laguna (DICT Region IVA - Laguna) kasabay ng pagbubukas ng bagong Tech4ED Center sa Calamba City, Laguna nitong Lunes, May 20.

Nanguna sa pagbubukas ng Tech4ED Center sina DICT IV-A Technical Operations Division Head Dr. Maria Graciella Bucad, DICT Laguna Provincial Officer Hazel Pagao, Calamba City ICT Office Head Reden Aquino, at Aries Hizon, kapitan ng Barangay Banadero kung saan matatagpuan ang naturang center.

Lumagda rin ang mga opisyal sa isang memorandum of agreement upang maisakatuparan ang proyekto.

Ayon sa DICT, magkakaroon ng mga trainings sa Tech4ED Center para sa mga estudyante, PWDs, senior citizen, single parents, at mga naghahanap ng trabaho para makatulong sa kanilang pag-aaral o paghahanap-buhay.

May mga online government transactions din na pwedeng i-book online sa tulong ng center kagaya ng pagfi-file ng request sa NBI Clearance, passport application o renewal, PRC license filing, pagsusumite ng birth, CENOMAR, o death certificates sa PSA, at iba pang mga serbisyo.

Suportado ng Calamba City LGU, sa pangunguna ni Mayor Roseller Rizal, ang programa na makakatulong aniya sa pag-unlad ng mga barangay at makakatulong sa mga mag-aaral na walang access sa libreng internet.

Ayon kay Hizon, malaki ang tulong ng DICT at ng lokal na pamahalaan upang gawin pang mas mabilis, madali, at moderno ang mga serbisyo ng barangay. Plano rin ng barangay na dalhin pa sa iba’t ibang sitio ang mga online services ng Tech4ED Center, bilang paghahanda sa plano ng Bañadero na maging smart community.

#WeTakeAStand #OpinYon #DICT #Tech4ED


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.