Hindi lamang sa international stage nagkakaroon ng sigalot sa teritoryo.
Sa Pilipinas, may mga pagkakataon na dalawang bayan o lungsod ang nagkakaroon rin ng hidwaan sa isyu ng kanilang mga hangganan.
At gaya ng sigalot sa hangganan ng mga bansa, ang hidwaan sa isyu ng municipal boundaries ay nakakaapekto rin sa paghahatid ng serbisyo publiko sa mga residenteng nalilito kung saan nga ba talaga sila nakatira.
Kamakailan ay napag-usapan ng mga pinuno ng mga bayan ng Infanta, Quezon at Santa Maria, Laguna ang usapin sa territorial dispute, partikular sa planong pagtatayuan ng arko ng Infanta.
Tinalakay nina Santa Maria Mayor Cindy Carolino at Infanta Mayor Lord Arnel Ruanto ang matagal nang isyu sa territorial boundary na nakaaapekto sa ilang residente sa lugar.
Ayon kay Mayor Carolino, bubuo sila ng isang technical working group (TWG) na lalahukan ng mga kinatawan mula sa Santa Maria, Infanta, at maging sa bayan ng Real upang maayos ang mga inaangking lupain at magkaroon ng malinaw na batayan ang bawat panig.
Ipinaliwanag rin ng alkalde ng Santa Maria na minana lamang nila ang nasabing problema sa territorial boundary, kaya’t kanilang prayoridad na mabigyan ito ng agarang solusyon.
Binigyang-diin din niya na bukas ang kanilang tanggapan sa pakikipag-ugnayan sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang matiyak na naaayon sa batas ang anumang hakbang at tuluyang matuldukan ang matagal nang usapin.
Ayon naman kay Mayor Ruanto, mahalaga ang maayos na pagkakaunawaan ng bawat bayan upang tuluyang maresolba ang matagal nang isyu sa hangganan ng lupaing nasasakupan.
Aniya, nararapat lamang na mabigyan ito ng agarang pansin ng pamahalaan dahil direktang naaapektuhan ang mga residenteng naninirahan at may mga establisimyento sa lugar.
Nilinaw ni Ruanto na matutuloy ang paglalagay ng arko ng Infanta, subalit kinakailangan ang masusing koordinasyon sa mga karatig-bayan upang maitama at malinaw na matukoy ang eksaktong hangganan ng bawat lupain.
Isa rin sa mga naging layunin ng pagpupulong ang matiyak ang kapanatagan ng mga mamamayan, lalo na hinggil sa kanilang mga tirahan at negosyo, upang kung may mangyaring pangangailangan o usapin, agad na matukoy kung aling lokal na pamahalaan ang may responsibilidad na umaksyon.
Dagdag pa ni Ruanto, tiniyak niyang ang anumang hakbang ng kanilang pamahalaan ay naaayon sa umiiral na batas.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maayos na pag-uusap at pagkakasundo ng mga karatig-bayan upang magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa naturang isyu.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #DAR #DENR

