Simula't sapul ay nabibighani na ang mga turista at residente sa angking ganda at yamang natural ng "Seven Lakes" ng San Pablo City, Laguna.
Ngayon ay may isang grupo ng mga siyentista na naniniwalang mayroon pang lihim na yaman na maaaring matuklasan sa naturang mga lawa.
Apatnapung scientists mula sa Italy, France, Chile, El Salvador, Estados Unidos, at Indonesia ang nagsanib-puwersa sa mga Pilipinong scientists upang magsagawa ng komprehensibong pag-aaral tungkol sa kakaibang katangian ng nasabing mga lawa.
Ibinahagi ni Dr. Raymond Maximo ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nagsagawa ang mga dalubhasa ng water sampling para sa masusing pagsusuri, na layuning tuklasin ang pisikal at kemikal na aspeto ng mga lawa.
Dalawa sa pitong crater lakes ng lungsod, ang Lake Pandin at Lake Mojicap, ang naging pokus ng kanilang pagbisita, na nagdala ng atensyong internasyonal sa agham.
Ayon kay Dr. Rebecca Biagi ng University of Florence sa Italya, inaasahang ang kanilang mga natuklasan ay makatutulong sa mga lokal upang lalo pang maintindihan ang estado ng mga lawa at ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga ito.
Ang mga lawa ng San Pablo, na nabuo mula sa mga pagputok ng bulkan, ay kinakikitaan ng malaking papel bilang eco-system na tumutulong sa pagpapanatili ng biodiversity, pag-unlad ng turismo, at hanapbuhay ng mga residente.
Malugod namang sinalubong ni San Pablo City Mayor Najie Gapangada ang mga dayuhang siyentista at nagpaabot ng pasasalamat sa kanilang presensiya.
Itinuturing na makasaysayan ang pagtitipong ito dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na naging host ang lungsod para sa 12th International Workshop on Volcanic Lakes.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #SevenLakes

