Laking gulat ng mga residente ng isang subdivision sa Calauan, Laguna matapos matagpuan ang bangkay ng isang senior citizen na hinihinalang pinatay sa loob ng kanyang bahay umaga ng Lunes, September 22.
Kinilala ng mga tauhan ng Calauan Municipal Police Station ang biktima na si alyas "Felicidad," 80 anyos at residente ng isang subdivision sa Barangay Prinza ng nasabing bayan.
Sa ulat ng Calauan police, bandang alas-sais ng umaga nang iulat sa kanilang himpilan ang pagkakadiskubre sa bangkay ng biktima.
Ayon sa mga kapitbahay ng biktima, nagtaka sila nang hindi magbukas ng tindahan si "Felicidad" noong araw na iyon.
Nang puntahan nila ang bahay ng biktima na katabi ng tindahan, doon nila nadiskubre sa sala ang bangkay ng biktima na may nakapulupot na plastic bag sa ulo.
Pinag-aaralan na ng mga awtoridad ang kuha ng mga CCTV camera malapit sa bahay upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin, lalo na't walang nakakita sa mismong krimen.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews