Matinding selos na pinalala ng alak ang tinitingnang motibo sa pananaksak ng isang babae sa kanyang sariling pamangkin sa loob ng isang bar sa San Pablo City, Laguna nitong nakaraang Linggo, April 6.
Nagpapagaling na sa ospital ang biktima na kinilalang si alyas "Roselle," manager ng isang bar sa Barangay San Francisco, matapos magtamo ng saksak sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan.
Ayon sa ulat ng San Pablo City police station, nagmamando sa loob ng bar ang biktima bandang alas-onse ng gabi habang umiinom ng alak ang suspek na kinilalang si alyas "Helen."
Nang magpunta sa comfort room si "Roselle" ay sinundan umano siya ng suspek, hanggang sa makarinig ng mga sigaw ang ilang mga kaanak ng biktima sa loob ng banyo.
Nang buksan nila ang pintuan ng banyo ay doon na nila nadatnan ang biktima na duguan at may mga saksak sa katawan.
Naaresto sa follow-up operation ng mga awtoridad si alyas "Helen" na agad namang umamin sa krimen.
Ayon sa pahayag ng suspek, narinig niya umano ang kanyang pamangkin na kinakausap ang kanyang live-in partner at inaaya umanong lumabas.
Dahil sa kalasingan ay sumidhi ang paninibugho ni "Helen" kaya't nang magpunta sa banyo ang kanyang pamangkin ay sinundan niya umano ito at doon pinagsasaksak ang biktima.
Nakadetine na si "Helen" sa San Pablo City Police Station habang inihahanda ang kasong frustrated murder laban sa kanya.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews